TINIYAK ng Philippine Olympic Committee (POC) na maidaraos ang 31st Southeast Asian Games sa nakaiskedyul na Mayo 12 hanggang 23 sa Hanoi, Vietnam. Ito ang magandang balita.
Ang masamang balita – hindi pa tiyak kung makalalahok si Pilipino pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena para maipagtanggol ang gintong medalyang napanalunan niya noong 2019 edition sa ating bansa.
Dumalo si POC prexy Abraham “Bambol” Tolentino sa pagpupulong ng mga chef de mission ng 10 iba pang miyembro ng SEA Games Federation at ayon sa kanya, patuloy ang paghahanda ng host city sa kabila ng maraming kaso ng COVID-19.
“Lahat ng ibang aspeto ng preparasyon, sa tingin ko, ay nabibigyan ng pansin. Everything seemed to be on track,” aniya. “We did site visitations of the different venues. We also did inspections of the hotel for the athletes and officials.”
Naisumite na rin ng POC ang pangalan ng mga idinagdag na miyembro ng pambansang delegasyon ng Pilipinas na kinabibilangan ni Obiena, na hindi isinama ng kanyang sariling pederasyon na Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) sa listahan nito. Kabuuang 979 mga atleta at opisyal ang nasa listahan ng POC.
Si Obiena na may ranggong panlimang pinakamagaling na pole vaulter sa daigdig ang nagmamay-ari din ng Asian rekord na 5.91 metro. Subalit wala pang katiyakan na mairerepresenta niya ang bansa sa Vietnam.
Hindi rin sigurado kung bubuksan sa publiko ang SEA Games dahil sa naitalang 171, 446 COVID cases sa Hanoi sa nakaraang 10 linggo. Ngunit sa huling ulat ay unti-unti nang bumababa ang bilang ng mga nagpopositibo sa virus.
Kaugnay nito, ang mga delegado sa biennial meet ay kailangang magpakita ng pruweba na bakunado at may booster shot na.
Pinasalamatan naman ng POC ang Department of Foreign Affairs sa pagtulong sa 103 miyembro ng Team Philippines na nag-apply o nag-renew ng kanilang pasaporte.
88