PARURUSAHAN ang sinomang “judgmental” na magpapakita ng anomang uri ng diskriminasyon laban sa health care workers, overseas Filipino workers, at pasyenteng maaari o positibong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) o gumaling na rito sa lungsod ng Navotas.
Kabilang sa mga ipinagbabawal sa ilalim ng City Ordinance No. 2020-16 ang pagpuwersa, libelo, cyber libel, paninirang-puri, pisikal na pang-aabuso, at paglabag sa kontrata tulad ng upa o pagtanggal ng trabaho sa nabanggit na mga indibidwal.
Ipinagbabawal din sa ordinansa ang pagtanggi ng access sa mga pampublikong programa o serbisyo na karaniwang ibinibigay sa publiko, at ang hindi pagpapapasok, pagpapaalis o pagbibigay ng mas mababang kalidad ng serbisyo ng mga establisimiyentong residensyal, komersyal o medikal.
Dagdag pa rito, parurusahan din sa ilalim ng ng ordinansa, ang pagtanggi sa access sa paggamit ng pribado o pampublikong establisimiyento, pasilidad, utilities, o serbisyong pang-transportasyon na karaniwang inihahandog sa publiko.
Ang mga lalabag dito ay maaaring patawan ng P1,000 multa o 1-30 araw na pagkabilanggo para sa unang paglabag, P3,000 multa o 1-30 araw na pagkabilanggo para sa ikalawang paglabag, at P5,000 multa o 1-30 araw na pagkabilanggo para sa ikatlong paglabag.
Sakaling menor-de-edad ang lumabag, ang mga magulang o guardian niya ang magbabayad ng penalty.
“Mariin nating kinukondena ang anumang uri ng diskriminasyon sa ating mga frontliner, OFWs o pasyenteng mino-monitor o ginagamot sa COVID-19,” ani Mayor Toby Tiangco.
“Walang lugar ang diskriminasyon sa Navotas. Lahat tayo ay nagdudusa dahil sa krisis sa COVID-19. Binubuwis ng ating mga health worker ang kanilang buhay para maisalba ang mga may sakit. Kailangan nila ng ating suporta at pang-unawa, hindi ang pagkamuhi at pangungutya,” dagdag niya. (ALAIN AJERO)
194 