LAGUNA – Arestado sa mga pulis ang live-in partners na umano’y nagbebenta ng mga pekeng gamot, sa ikinasang entrapment operation ng mga awtoridad sa bayan ng Bay sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.
Kinilala ng mga tauhan ng Bay Police ang mga suspek na sina Johnell Lilia, isang delivery rider, at Jerim Grace Blanco, sales representative, parehong residente ng Bay, Laguna.
Batay sa report, ikinasa ng mga tauhan ng Laguna Police Provincial Office (LPPO) Intelligence Unit at Bay Municipal Police, ang operasyon laban sa dalawa dakong alas-7:15 ng gabi sa Barangay San Nicolas.
Kumagat umano ang dalawa sa patibong ng pulisya at nakabili ang police poseur buyer ng dalawang kahon ng Bioflu at isang kahon ng ibuprofen-paracetamol Alaxan FR na pawang mga peke.
Matapos maaresto, nakumpiska pa sa dalawa ang 18 pang kahon ng iba’t ibang mga pekeng gamot sa sipon, ubo, lagnat, pain reliever at antacids na nasa isang lalagyan sa kanilang sinasakyang tricycle.
Nakakulong na ang mga suspek sa Bay Police Station lock-up cell at sinampahan ng kasong paglabag sa Sec. 4 ng RA 8203 o Special Law on Counterfeit Drugs. (NILOU DEL CARMEN)
201