CLICKBAIT ni JO BARLIZO
HINDI naputol ang pangako ni Sen. Raffy Tulfo sa Filipino seafarers na kung siya ay magiging senador, lilikha siya ng batas para sa kapakanan ng mga ito.
Bagama’t baguhang mambabatas ay nagawa ni Senator Tulfo na agad maipasa at mailusot sa Senado ang makasaysayang panukalang batas partikular ang Magna Carta for Filipino Seafarers.
Matagal ding panahon na nabinbin sa Kongreso ang panukalang batas na ito pero mabilis na nailusot ni Sen. Tulfo.
Nagawa niyang makumbinsi ang mga kapwa senador matapos makipagdebate at harapang sinagot ang mga tanong sa interpelasyon sa plenaryo.
Ang magna carta of Filipino Seafarers ay isang landmark law ni Senator Tulfo na malaking tulong sa ating mga kababayan na nagsasakripisyo na malayo sa kanilang pamilya dahil sa pagtatrabaho bilang seafarer.
Hindi naman nakalimutan ni Senator Tulfo na pasalamatan si Pangulong Bongbong Marcos Jr. na nagsertipika bilang urgent sa nasabing panukala gayundin ang mga kapwa Senador na pumabor at nag-apruba nito.
Noong campaign period, maraming marinero ang dumagsa sa kanyang programang ‘Wanted sa Radyo’ at idinulog ang hinggil sa kanilang kapakanan, mababang suweldo, kulang na benepisyo at iba pa.
Sa kanyang sponsorship speech noong Mayo, sinabi ni Tulfo na malaki ang nagiging ambag ng mga Filipino seafarer sa ekonomiya ng bansa, kaya marapat lang din na bigyan ang mga ito ng kaukulang proteksyon na naaayon sa international labor standards.
Layon ng magna carta para sa seafarers na mabigyan ang mga marino ng karapatan sa ligtas at siguradong lugar ng trabaho na sumusunod sa safety standards; magandang trato at kondisyon ng trabaho, disenteng trabaho at kondisyon ng buhay sa barko, proteksyon ng kalusugan, medical care, retirement at iba pa.
Kilala sa buong mundo ang ambag ng mga Pilipinong mandaragat sa industriya ng maritime at higit na mahalaga ang ambag ng mga ito sa paglago ng ekonomiya sa bansa.
Ngunit, hindi batid ng karamihan kung ano ang kondisyon ng mga marino habang nasa laot. Sakripisyo ang mapalayo sa pamilya ng ilang buwan, mahirap labanan ang pangungulila at kalungkutan pero nilalabanan nila para sa kanilang pamilya.
Sa kanilang pagpupursige, pagtitiis at sa ambag nila sa ekonomiya ng bansa, ang maibibigay na magandang ganti at pasasalamat sa kanila ay bigyan sila ng proteksyon, seguridad sa trabaho.
Magagawa yan ng gobyerno dahil may nagpursige at ito ay si Sen. Raffy.
