DPA ni BERNARD TAGUINOD
HINDI lamang sa social media pinag-uusapan ang ipinakita ng Department of Interior and Local Government (DILG) na magiging kulungan ng mga makakasuhan ng non-bailable case sa flood control projects anomaly, kundi maging sa palengke at tambayan.
May kanya-kanyang opinyon ang mga tao tulad ng kaya lang daw ipinakita na ang magiging kulungan ng mga inaakusahang magnanakaw sa kaban ng bayan ay para mapahupa ang galit ng mga tao dahil magtatatlong buwan na ang nakalipas ay wala pang nakukulong.
Nagagalit ang mga tao dahil kapag maimpluwensya ang mga inaakusahan ay napakaraming due process na ibinibigay sa kanila samantalang kapag mahihirap at mangmang ay kulong agad at saka na ang imbestigasyon.
Ang daming pasikot-sikot ang pag-iimbestiga sa mga maiimpluwensiya lalo na kapag nakakuha sila ng magagaling na abogado, para patagalin o i-delay ang imbestigasyon hanggang sa humupa ang galit ng mamamayan.
Pero hindi na ubra ang ganyang taktika at habang tumatagal ang imbestigasyon ay lalong nagagalit ang mga tao at isa sa paraan para pahupain ang galit ng mga pinagnakawan ay ipinakita na ng DILG ang magiging kulungan ng mga kawatan.
Ang hindi alam ng gobyerno ay hindi pa rin nila mapahuhupa ang galit ng mga tao sa pamamagitan ng ipinakitang kulungan hangga’t hindi nila nakikita na may nakakulong na riyan na kawatan.
Sabi nga nung isang nakausap ko sa isang tindahan “magnanakaw na lang ang kulang” dahil may kulungan na paglalagyan sa kanila habang dinidinig ang kanilang kasong pagnanakaw sa sambayanan.
Meron ding nagsabi na iba talaga ang trato ng gobyerno kapag ang inaakusahan at ikukulong ay mayaman at makapangyarihan kung ano ang magiging kulungan ng mga sangkot sa anomalya sa flood control projects.
Maganda raw ang kulungan ng mga magnanakaw sa kaban ng bayan dahil may kanya-kanya silang higaan, maluwag ang kanilang hawla, malinis, kumpleto ng pasilidad at may sariling water station.
Malayong-malayo raw ito kung ikukumpara sa kulungan ng mga ordinaryong PDL as in People Deprived of Liberty sa mga presinto, PNP headquarters at maging sa city jail na walang kutson at ilang tao ang gumagamit sa isang papag.
Siksikan at mainit daw sa mga ordinaryong kulungan kaya napakasuwerte raw ng mga nagnakaw ng flood control funds dahil puwede silang mag-basketball sa loob ng selda sa luwag nito at siguradong komportable sila sa kanilang higaan na may kutson pa.
Ang isa pang tanong ng mga tao, riyan din ba ikukulong sina dating Speaker Martin Romualdez at Zaldy Co na ipinanalangin ng lahat na makasuhan at makulong dahil sa anomalyang ito? Sagot ko: Asa pa kayo.
