REQUIRED na ngayon ang sinomang magre-request ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng isang opisyal ng gobyerno na magsumite ng kanilang output report sa loob ng limang araw, ayon sa National Privacy Commission (NPC).
Sa panayam ng Bagong Pilipinas Ngayon, ipinaliwanag ni NPC Deputy Commissioner Atty. Jose Belarmino II na ang nasabing report ay kailangang isumite sa repository agency o sa mismong ahensya ng gobyerno kung saan empleyado ang opisyal na pinagmulan ng SALN.
Paalala ni Belarmino, sa pagkuha ng SALN ng sinomang opisyal, dapat pa ring balansehin ang karapatan sa transparency at privacy.
“May karapatan ang publiko sa impormasyon, pero may karapatan din ang mga opisyal sa privacy,” ani Belarmino.
Puwede umano itong gawin sa pamamagitan ng pagre-redact o pagtanggal ng mga sensitibong detalye, tulad ng home address, birthday, at edad ng mga anak ng opisyal, na hindi na kailangan para sa layunin ng kahilingan.
Dagdag pa ng opisyal, kung ang humihingi ng SALN ay may derogatory record, awtomatikong madi-deny ang kanilang request bilang bahagi ng mas mahigpit na pag-iingat ng gobyerno sa paggamit ng impormasyon.
(CHRISTIAN DALE)
67
