KAPWA lumagpak ang trust at performance ratings nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte sa pinakahuling Tugon ng Masa Survey ng OCTA Research para sa ikatlong kwarto ng 2025.
Base sa datos, 7 puntos ang ibinaba ng trust rating ni Marcos, mula 64% noong Hulyo tungo sa 57% ngayong Setyembre. Pinakamalakas pa rin ang tiwala sa kanya sa Balance Luzon (67%), kasunod ang NCR (55%), habang tumaas naman ang kanyang distrust rating ng 5 puntos sa 25%, karamihan ay mula Mindanao.
Sa performance rating, bumagsak din si Marcos ng 8 puntos, mula 62% noong Hulyo tungo sa 54% ngayong quarter. Nakapagtala rin siya ng 26% dissatisfaction score, indikasyon ng pagnipis ng suporta sa ilang rehiyon.
Samantala, mas banayad ang pagbaba sa ratings ni Vice President Sara Duterte, ngunit nanatiling pababa ang trend.
Mula 54%, bumaba sa 51% ang kanyang trust rating, habang umakyat ng 1 punto sa 24% ang distrust rating. Malakas pa rin ang suporta sa kanya sa Mindanao (84%) at Visayas (63%). Sa performance rating, bahagyang bumaba si VP Sara ng 1 punto, mula 50% tungo sa 49%, at nakakuha ng 26% dissatisfaction rating.
Ayon sa OCTA, kahit may pagbaba, nanatiling majority level pa rin ang tiwala at approval sa Pangulo.
“Even with the observed declines, President Marcos Jr. continues to enjoy majority trust and approval among Filipinos, maintaining both ratings above the 50% mark,” pahayag ng OCTA.
Dagdag pa ng grupo, nasa majority level pa rin ang trust rating ni VP Sara, ngunit bahagyang lumagpak sa below majority ang kanyang performance score.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 4, sa buong bansa.
May ±3% margin of error at 95% confidence level ang nasabing survey.
(CHRISTIAN DALE)
52
