MAGSASAMANTALA SA MGA MAGSASAKA DAKPIN – SOLON

HINAMON ng isang lider ng Kamara ang Department of Agriculture (DA) na ngayon pa lamang ay kumilos na at bantayan ang mga magsasamantala sa mga magsasaka sa pagpasok ng harvest season.

“Malinaw ang batas—hindi natin papayagan ang pananamantala sa (ating) mga magsasaka at konsyumer,” paalala ni House committee on agriculture chairman Mark Enverga ng Unang Distrito ng Quezon, na kabilang sa mga miyembro ng Quinta Committee na nag-iimbestiga sa mataas na presyo ng mga bilihin, partikular na ang bigas.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag na ito dahil ngayong Marso hanggang Mayo ay aani na ang mga magsasaka kaya kailangang paigtingin ng DA at iba pang mga kinauukulang ahensya ang kanilang pagbabantay upang hindi manipulahin ng mga rice trader ang pinaiiral na farm gate price.

Noong nakaraang harvest season aniya, partikular na noong Setyembre hanggang Oktubre ng nakaraang tao, napilitan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang aning palay sa halagang ₱14 hanggang ₱18 kada kilo na sadyang hindi makatarungan.

“Kailangang tiyakin natin na patas ang kita ng ating mga magsasaka habang abot-kaya ang presyo para sa mamimili,” ayon kay Enverga, dangan nga lang ay magagawa lamang ito kung ngayon pa lang ay kikilos na ang Kagawaran ng agrikultura.

Sa datos aniya ng Philippine Statistics Authority (PSA), hindi bababa sa ₱20.69 ang farmgate price noong Enero 2025 subalit hindi ito nasusunod dahil nadidiktahan pa rin ng mga abusadong rice trader ang farmgate price.

Iginiit din ng kinatawan ng Quezon na dapat bilhin ng National Food Authority (NFA) ang 20 porsyento ng ani ng mga magsasaka ngayong harvest season upang hindi madiktahan ng mga tiwaling negosyante ang presyo ng palay at kung may magsasamantala ay dapat aniyang hulihin at agad kasuhan.

Maaaring kasuhan umano ang mga magsasamantala trader sa mga magsasaka dahil paglabag ito sa Republic Act (RA) 12022, o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na nilagdaan ni Pangulo Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. noong Setyembre 2024.

“The measure gives the government stronger legal tools to dismantle cartels, penalize hoarders and stop price manipulation. It imposes severe penalties, including life imprisonment and hefty fines for those found guilty of economic sabotage,” babala ng mambabatas. (PRIMITIVO MAKILING)

30

Related posts

Leave a Comment