MAHARLIKA FUND DELIKADO SA NGCP

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI malayong malugi agad ang Maharlika Investment Fund (MIF) kapag pinasok ng mga ito ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na hindi pa nakokolekta ang kanilang atraso na aabot ng P200 billion.

Ang NGCP na isinapribado noong 2009 kung saan 40% sa nasabing kumpanya ay pag-aari ng State Grid Corporation of China ay iniimbestigahan ngayon ng Kongreso dahil sa iba’t ibang paglabag sa kanilang prangkisa.

Isa ito sa target ng Maharlika na paglagakan ng puhunan subalit agad na binalaan ni House ways and means committee chairman Joey Salceda ang mga ito na huwag padalos-dalos dahil maaaring mapahamak ang pondo.

“Maharlika investing into the NGCP before it completes that refund would make the Fund co-liable to the public for the raw deal we got out of these disallowed expenses,” paliwanag ng mambabatas.

Kabilang umano sa mga pinagkagastahan ng NGCP ng nasabing halaga at ipinasa sa publiko o consumers sa buong bansa ay advertising na ayon sa mambabatas ay hindi naman kailangan dahil monopolya ng mga ito ang grid.

Dahil dito, kailangan aniyang tapusin muna ng ERC ang kanilang trabaho at makolekta sa kasalukuyang pamunuan ng NGCP ang nasabing halaga upang hindi madamay sa pananagutan ang Maharlika.

“Investing in the NGCP without taking into account the risk of equity reduction due to the probably refund would be a clear violation of Maharlika’s risk management principles under RA 11954,” dagdag pa ng mambabatas.

Ang Maharlika ay itinatag ng kasalukuyang administrasyon para mamuhunan sa mga kumikitang kumpanya subalit naging kontrobersyal dahil ang pondo nito ay mula sa mga government-owned and controlled corporation (GOCCs) tulad ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

22

Related posts

Leave a Comment