MAHIGIT ISANG LIBONG SAKO NG BASURA NAHAKOT SA DOLOMITE BEACH

UMABOT sa mahigit 1,000 sako ng basura ang nahakot ng daan-daang volunteers na nagtulung-tulong sa paglilinis sa baybayin ng Manila Bay kabilang ang tinaguriang Dolomite Beach sa Roxas Blvd., Maynila kaalinsabay ng International Coastal Cleanup Day, Linggo ng umaga.

Kabilang sa mga nahakot ng volunteers mula sa mga non-government organization at ahensya ng pamahalaan ang plastic sachets ng iba’t ibang produkto, tsinelas, plastic bags, at iba pang hindi nabubulok na basura.

Ayon sa Philippine Coast Guard, nag-umpisa ang coastal cleanup dakong alas-6 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga.

Kasabay rin nito ang cleanup drive sa mga baybayin naman ng tatlong barangay sa Navotas City na nilahukan ng 150 volunteers.

Isinasagawa ang International Coast Cleanup Day tuwing ikatlong Sabado ng Setyembre para pataasin ang kamalayan sa lumalalang problema sa basura na nakaaapekto sa mga dalampasigan sa buong mundo.

Kilala ang Manila Bay sa napakaganda nitong ‘sunsets’ ngunit nagiging panira naman ang maraming basura na itinataboy sa mga baybayin nito, bukod pa sa polusyon dulot ng langis na nagpapaitim sa tubig. (RENE CRISOSTOMO)

324

Related posts

Leave a Comment