KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari
STATE OF THE NATION ADDRESS o SONA. Isang taunang talumpati ng bawat pangulo ng bansa sa pagsisimula ng sesyon ng lehislatura – Kongreso at Senado.
Ano ang nilalaman ng talumpati? Walang paltos ito. Una siyempre ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa nakaraang isang taon sa maniwala man o hindi ang mamamayan. Kasabay nito ang paulit-ulit na mga pangako, plano, at iba pang etse-buretse na kadalasan naman ay ek-ekan lang na sinusuklian naman ng palakpakan ng mga sipsip ng kongresista at senador.
Ilang sandali ng pambobola sa mga Pilipino sa gitna ng kanilang patuloy na paghihikahos sa buhay sa kabila ng ritwal na pagpapalit ng presidente, senador at kongresista tuwing eleksyon.
Ganito rin halos ang nakaraang ika-apat na SONA ni PBBM nitong nakaraang July 28. Plakado ang bawat yugto. Hindi ko na iisa-isahin.
Ngunit nagulat ako sa pagsisimula ng kanyang talumpati. Inamin niyang palpak sa sukatan ng taong-bayan ang kanyang administrasyon batay sa resulta ng nakaraang eleksyon. Sa 11 kandidatong senador ng administrasyon, anim lang ang lumusot sa 12 nanalo gayung batay sa mga survey bago maghalalan, walo o siyam ang may tsansang magwagi.
“Malinaw sa akin ang mensahe ng naging resulta ng halalan. Bigo at dismayado ang mga tao sa pamahalaan, lalo na sa mga pangunahing serbisyo. Ang leksyon sa atin ay simple lamang: kailangan pa natin mas lalong galingan. Kailangan pa natin mas lalong bilisan.” Pinahanga ako ni PBBM. Mahirap gawin ang pag-amin ng kapalpakan sa harap ng taong-bayan. Muling bumalik sa akin ang pagtingin ko sa kanya bilang idolo ko noon pa man. Peksman! Believe it or not! Ewan ko na nga ba kung bakit ko siya naging idolo. Basta!
Kaya nanawagan siya ng pagkakaisa, ilagay sa isang tabi ang pulitikahan at sama-samang harapin ang layuning paunlarin ang bansa. Inamin din niyang walang silbi ang mga datos na nagpapakita ng pag-unlad ng ekonomiya kung ang mamamayan naman ay patuloy ang pakikibaka sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
“Kung datos lang ang pag-uusapan, maganda ang ating ekonomiya, tumaas ang kumpiyansa ng mga negosyante. Bumaba ang inflation, dumami ang trabaho. Ngunit ang lahat ng ito ay palamuti lamang, walang saysay, kung ang ating kababayan naman ay hirap pa rin at nabibigatan sa kanilang buhay.”
Pagkatapos, rumatsada na si PBBM ng tagumpay ng kanyang administrasyon at mga planong nakahanay upang sustenehan ang mga proyekto at programa. Ang mahabang parteng ito ang hindi nawawala sa bawat SONA ng nakaupong presidente. Na kung susumahin natin ay lalabas na maunlad na maunlad na ang bansa at namumuhay na masagana ang bawat mamamayan.
Ngunit kung lubusang susuriin, nakikita at nararanasan naman natin ang totoo, maliwanag na hindi tumutugma ang mga pahayag sa tunay na sitwasyon at totoong kalagayan. Kung ‘yun ngang may mga permanenteng trabaho at iba pang pinagkikitaan ay dumadaing sa hirap, mas lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan na isang kahig-isang tuka ang buhay.
But in fairness naman kay PBBM, nakikita naman ang kanyang todong pagsisikap upang masolusyunan ang kahirapan sa bansa sa kabila ng matinding pamumulitika ng kanyang mga kalaban, partikular ang kampo ng mga Duterte na may sapat pa ring impluwensya upang isabotahe siya na nakita naman sa resulta ng nakaraang eleksyon ng mga senador.
Marami ang natuwa nang marinig sa kanya ang pagbatikos sa kapalpakan ng mga nasa likod ng kawalan ng tubig sa maraming bahay. Isa ako sa pumalakpak dahil madalas ay walang natulong tubig sa aming gripo. Kung meron man ay malakas pa ang ihi ng bata…
“…marami kaming natatanggap na reklamo na hindi man lang daw umaabot ang tubig sa kanilang mga gripo. Sa lawak ng reklamo, lampas anim na milyong konsyumer sa buong bansa ang kasalukuyang naaapektuhan.”
“Kaya’t ginagawa ng LWUA ngayon ang mga mabisang hakbang laban sa palpak na serbisyo ng mga water district at kanilang joint venture partners. Titiyakin ng LWUA na mailalagay na sa ayos ang serbisyo ng tubig ng milyon-milyon nating mga kababayan at gawing mas abot-kaya naman ang presyo. Higit sa lahat, titiyakin nating mapapanagot ang mga nagpabaya at nagkulang sa mahalagang serbisyong-publiko na ito.”
Naispatan ng camera si Senadora Camille Villar na nakitang dedma lang sa kanyang upuan. Ang pamilya Villar ang may-ari ng PrimeWater na siyang binubuntunan ng sisi sa kawalan ng tubig dahil sa kanilang palpak na serbisyo sa mga lugar na kanilang nasasakupan.
Desidido rin si PBBM na imbestigahan ang lalong lumalalang suliranin sa pagbaha tuwing tag-ulan batay sa muling nasaksihan at naging karanasan ng maraming mamamayan sa iba’t ibang parte ng bansa.
Kinakabahan na tiyak ang ilang senador at kongresista na kadalasang nagpopondo sa mga proyekto. Marami tiyak sa mga proyekto ay hawsyaw dahil dinekwat ang nakalaang pondo.
“Huwag na po tayong magkunwari. Alam naman ng buong madla na nagkaka-racket sa mga proyekto. Mga kickback, mga initiative, errata, SOP, for the boys. Kaya sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino!
Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha!
Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo, na binulsa niyo lang ang pera.”
#
Tulad ng inaasahan, binoykot ng kampo ni Duterte, sa pangunguna ni VP Sara, ang SONA ni PBBM. Dumale pa si Robinhood na ang hindi niya pagdalo sa SONA ay bilang protesta sa patuloy na pagkakatanggal ng kanyang idolong si dating Pangulong Digong sa kulungan ng International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.
Sabagay, kanya-kanyang trip lang naman ‘yan. Hindi niya kursunadang makinig sa talumpati ni PBBM, hindi naman siya naging kakulangan doon.
Opps! Dismayado ang mga pasosyal sa Kongreso at Senado – lalaki, babae, bakla, tomboy at doble kara – na sabik muling makatapak sa red carpet, kasabay sa pagngiti at pagkaway sa nakatutok na mga camera. Inalis na ang bahaging ito sa taunang sirkus. Dapat lang na permanente nang burahin ang nakasusukang praktikang ito.
Buweno, hanggang sa susunod na SONA sa 2026 sa isa na namang yugto ng kabuluhan at kawalang kabuluhan ng taunang ritwal.
Kaya mo pa ba Pilipinas?
160 