PUNA ni JOEL O. AMONGO
AGAD mapapasabak sa malaking trabaho ang uupong bagong hepe ng Pambansang Pulisya na papalit kay Philippine National Police (PNP) chief, General Rommel Marbil.
Ang tinutukoy po natin na malaking trabaho ay ang paghuli kay Rafael Dumlao III na dating opisyal at pinuno ng PNP-Anti Kidnapping Group na itinuturong sangkot sa pagpatay sa Koreanong si Jee Ick Joo.
Ipinag-utos ng pamahalaan ang paglulunsad ng isang manhunt operation laban kay Dumlao na suspek sa pagpaslang sa South Korean businessman noong 2016.
Ibinaba ang direktiba nitong nakalipas na linggo na layuning suportahan ang misyon ng Pambansang Pulisya na muling ibalik ang tiwala ng publiko at bumuo ng kapasidad na may kasama nang mga international partner hinggil sa resolusyon ng ‘high profile cases’ na kinasasangkutan ng mga foreign national.
May shortlist nang pinagpipilian ni Pangulong Bongbong Marcos na papalit kay PNP chief, General Rommel Marbil na nakatakdang magretiro sa darating na Hunyo 7 ng taong kasalukuyan.
Ang mga ito ay sina Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., PNP Directorial Staff commander Lt. Gen. Edgar Allan Okubo, Chief for Operations Lt. Gen. Robert Rodriguez, National Capital Region Police Office Director Brigadier Gen. Anthony Aberin, at Criminal Investigation and Detection Group Director Major Gen. Nicolas Torre III.
Mayroon tayong natanggap na impormasyon na kung sakaling ang mapipili ni Pangulong Marcos na bagong PNP chief ay si CIDG chief, Major General Nicolas Torre III ay lalong lalaki ang problema ng kasalukuyang administrasyon.
Galit umano ang maraming Pilipino kay Torre dahil siya ang nanguna sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na narinig pa ang boses nito na nagsasabi sa video na may kakaladkarin siya.
Ikinagalit din ng publiko kay Torre ang hindi pagpapasok nito kay Vice President Inday Sara Duterte sa Villamor Airbase sa kinaroroonan ng dating pangulong Duterte para makita man lang nito ang kanyang ama bago isinakay sa eroplano patungo sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.
Ayon pa sa ilan, kapag si Torre ang inilagay ni PBBM sa pinakamataas na posisyon sa Pambansang Pulisya ay baka lalo pang mawala ang tiwala ng taumbayan sa mga pulis.
May punto ang sinasabi ng publiko na dapat ang ilalagay na hepe ng PNP ay ang pagkakatiwalaan ng taumbayan, hindi ng iisang tao lang.
Kalakaran na sa tuwing maglalagay ng hepe ng PNP at maging ng Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ay ang pinagkakatiwalaan ng pangulo ng Pilipinas ang kanilang inilalagay sa dalawang posisyon na ito at hindi naikukunsidera ang kagustuhan ng taumbayan.
Ngayon maiiba na dahil marami ang dismayado sa administrasyon ni PBBM, na kapag pinili niya si Torre na maging hepe ng PNP ay posibleng lalo pang dumami ang madismaya sa pangulo. Duda na nga ang taumbayan sa sensiridad ni Pangulong BBM sa kanyang sinabi na bukas siya na makipag-usap sa mga Duterte, ay baka lalo pang lumalala ito.
Kaya dapat ay hindi siya magkamali sa pagpili ng bagong PNP chief. Ang sinasabi natin ay batay sa ating nalalaman at pulso ng mga tao na ating nakasasalamuha bilang mamamahayag. Paalala lang sa atin, kundi tayo paniniwalaan ay wala tayong magagawa.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
