Majo Marcos, pakitanong kay JEJE, kamusta na ang Flood Control Project sa Laoag City?

Balitang ‘di Kanais-nais 

KUNG gaano kabilis na ipinatawag ni House of Representatives Majority Leader Sandro Marcos itong si Caloocan Congressman Egay Erice sa kanyang opisina matapos hindi magustuhan ng anak ni PBBM ang ginawang pag-atake sa kanyang ama, ay dapat ganun din kabilis ang pagtatanong nito sa kanyang tauhan na si JEJE, sa proyektong palpak?

Walang pakialam ang pitak na ito hinggil sa banggaan sa pulitika nitong si Cong. Erice at mga mambabatas sa pamumuno nina Speaker Bojie Dy at Majority Leader Sandro Marcos, lalong-lalo na ang usaping impeachment ni VP Sara Duterte.

Nagtatanong kasi ang mamamayan ng Brgy. Gabu, Laoag City kay Majority Leader Marcos, kung kailan matatapos ang flood control project sa Padsan River na nagkakahalaga ng P47 milyon, na hanggang sa ngayon ay tila wala umanong pagkilos matapos na mag-collapse kahit walang malakas na pag-ulan.

Nais iparating ng taga Brgy. Gabu kay Majo Marcos ang nasabing palpak na proyekto, subalit sakali naman na hindi alam ni Majo ang naturang flood control project, mas maigi na ang tanungin nito ay ang isang alias “JEJE” na umano’y kanyang tauhan nang sa gayon ay para may maisagot sa katanungan ng mamamayan ng Laoag.

Ang mainit na diskusyon ng mga residente sa Gabu, Sir Majo, ay kung bakit bumigay at hanggang sa ngayon ay hindi pa nagagawa, may nagsabi na baka ito ay minadali at tinipid kaya bumigay.

Base sa impormasyong nakalap ng Balitang ‘di Kanais-nais, ang nakakuha ng kontrata ay ang RA Pahati Construction & Supply, Inc., paki-imbestigahan mo nga, DPWH Secretary Vince Dizon.

Nais nating iparating kay Majo Marcos na itong RA Pahati Construction & Supply ay konektado umano sa isang kilalang pamilya mula sa Davao de Oro at higit sa lahat, sa mga ‘nakapwesto’ sa ilang opisina ng Kongreso.

Gusto lang malaman ng pitak na ito kung gaano katotoo, Sir Majo, na itong si JEJE ay isa sa iyong trusted personnel dyan sa Kamara, na sinasabi rin umano na siyang may hawak ng halos lahat ng mga proyekto na hindi ito mapakialaman ng kahit sino dahil sa ‘yo.

Sir Majo, kung talagang ang nais mo ay serbisyo publiko at malasakit sa mamamayan, nararapat sigurong kausapin mo si JEJE at tanungin kung ano na ang nangyari sa mga proyekto partikular ang flood control project sa Brgy. Gabu.

Majo Sandro Marcos Sir, talaga bang tauhan mo si JEJE?

Hanggang sa muli mga Ka-Balitang ‘di Kanais-nais. (CB)

69

Related posts

Leave a Comment