CLICKBAIT ni JO BARLIZO
KUNG sa paputok, mistulang kuwitis lang ang inaasahang rollback sa lahat ng produktong petrolyo sa huling araw ng 2024.
Sabagay, pampakalma na rin itong bawas-presyo na puputol sa limang sunod-sunod na linggong pagtaas nito.
Pwede na rin itong magandang balita sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay DOE-OIMB Assistant Director Rodela Romero, base sa kanilang 4-day oil trade monitoring, asahan na ang rollback sa gasoline ay P0.30 – P0.65 kada litro. Ang diesel ay maaaring bumaba ng P0.30 hanggang P0.55 kada litro at ang kerosene ay nasa P0.80 – P1.00 naman ang inaasahang dagdag-presyo.
Ayon sa Energy Department, ang nasabing pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo ay dulot ng mababang demand mula sa international market at ang patuloy na over supply ng langis sa merkado.
Kaso, mas marami ang pagtaas sa presyo kaysa rollback.
Sanay na nga ang mga motorista at taumbayan sa presyuhan ng mga produktong petrolyo.
Kaya, may dagdag-bawas man ang presyo ng petrolyo, huwag nang hayaang bawasan nito ang saya ng pagsalubong sa Bagong Taon.
o0o
Mag-ipon na ng 12 bilog na prutas. Tradisyon ng mga Pilipino sa pagsalubong ng Bagong Taon ang paglatag ng mga bilog na prutas na simbolo ng kasaganaan, swerte at kayamanan. Ang 12 bilog na prutas ay kumakatawan sa mga buwan ng taon.
‘Yung iba nga ay higit sa 12 prutas ang inilalagay sa mesa para mas masuwerte raw ang pagpasok ng bagong taon.
Simbolo raw ng pera ang bilog na pagkain kaya swerte ang hatid nito.
Sa taas ba naman ng mga bilihin ngayon ay maghahagilap pa ng 12 prutas na bilog ang hugis.
Pagkain naman mga ‘yan kaya hindi sayang ang pagod, subalit hindi sa mga bilugang hugis nakasalalay ang magandang buhay dala ng bagong sulpot na kalendaryo.
Bagong taon, bagong pag-asa ika nga.
Diyan, kadalasan, hinuhugot ng mga tao ang kapalaran na hangad nila ay may magandang pagbabago.
Bilog man o hindi ang prutas ay gugulong pa rin ang buhay.
Para mabago ang kondisyon ng buhay ay iwasan ang mga mambobolang politiko.
Sana, ang isang pagbabago na gagawin sa bagong taon ay tiyaking huwag mabilog ng mga mapagsamantala ang inyong ulo.
Taon pala ng mga ahas ang 2025. Nawa’y lingkisin tayo ng kasaganaan at kapayapaan.
39