PARA sa Malakanyang ay kalokohan lamang ng oposisyon ang “#NasaanAngPangulo.”
Pilit kasing hinahanap ng oposisyon at mga kritiko ng administrasyon si Pangulong Duterte sa mga panahon na may natural disasters sa bansa.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, isang opposition gimmick ang nasabing hashtag.
Ani Sec. Roque, dahil sa makabagong teknolohiya ay nagagawa ng pangulo na palaging i-monitor ang mga kaganapan kahit na hind ito bumiyahe tungo sa isang lugar.
Bukod dito, palagi naman aniyang nagbibigay ng instructions ang pangulo sa mga ahensiya ng pamahalaan.
“Hindi po dapat tanungin ‘Nasaan ang Pangulo’ — ‘yan po ay kalokohan lang ng oposisyon. Ang presidente po ay hindi nawawala, palagi po natin siyang kapiling, palagi po niyang iniisip ang
kapakanan ng ating mga kababayan,” ayon kay Sec. Roque.
Sinabi pa niya na ang bilang ng mga namatay sa natural disasters sa ilalim ng termino ni Pangulong Duterte ay mas mababa kumpara sa mga nagdaang administrasyon.
Idinagdag pa ni Sec. Roque na layon ng pamahalaan na paghusayin ang disaster preparedness nito para makamit ang zero casualty.
Ang #NasaanAngPangulo ay naging trending topic sa Twitter habang binabayo ng bagyong Ulysses ang ilang bahagi ng Luzon.
Matatandaang naging trending din ang nasabing hashtag sa mga naunang araw ng buwan nang mapansin ng netizens na absent si Pangulong Duterte sa televised press briefing ng “government’s preparation for and response to Super Typhoon Rolly.”
Ngunit depensa ni Sec. Roque, naging mabilis ang pagtugon ng pamahalaan subalit ang pagtaas ng tubig-baha ay hindi na nakontrol.
“Gaya ng narinig niyo po, mabilis po ang naging response ng government. Unfortunately di po natin magagawan ng paraan ang masyadong mabilis na pagtaas ng tubig,” ayon kay Sec. Roque.
“Meron pong mga nag-antay, pero unfortunately hindi naman po instant talaga yung ating pag-rescue sa kanila, pero hindi naman po gaanong katagal ang kanilang pag-aantay at ang importante po eh na-rescue po lahat ng kinakailangan na matulungan,” aniya pa rin.
Sa ulat, pahirapan para sa ilang rescuer ang pagsagip sa mga binaha dahil sa kulang na gamit at malakas na agos ng tubig dala ng pananalasa ng bagyong Ulysses sa Metro Manila at iba pang mga lugar sa Luzon nitong Huwebes.
Ang lakas ng pag-ulan ay inihahalintulad ng ilang awtoridad sa bagyong Ondoy noong 2009, na matinding nakaapekto sa lungsod ng Marikina. (CHRISTIAN DALE)

193