Tuluyan nang sinira ng Bureau of Customs (BOC) ang 1 unit ng mamahaling sasakyan, 12 makina sa paggawa ng pekeng sigarilyo at 1,000 master cases ng iba’t bang brand ng sigarilyo na isinagawa sa PUC Parking Bureau ng Customs Compound, Port Area, Manila noong nakaraang Hulyo 23, 2019.
Pinangunahan ito ni Undersecretary Jesus Melchor V. Quitain, OIC ng Office of the Special Assistant to the President.
Kabilang sa mga sinira ay ang Ferrari, na idineklarang gamit na auto spare parts, na dumating sa Port of Manila (POM) noong Mayo 13, 2019 at deklaradong abandonado at kinumpiska batay na rin sa Section 1129 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Sa isinagawang physical examination ng Customs examiner nakita na ang nasabing shipment ay naglalaman ng Ferrari na pawang may pintuan na nakakalas mula sa katawan ng sasakyan.
Samantala, ang fake cigarettes at imported cigarette-making machines naman ay nasabat noong nakaraang Pebrero 2019 ng elemento ng BOC-Enforcement and Security Service (ESS) mula sa warehouse na matatagpuan sa Barangay Bagacay, Tacloban City, matapos hindi makapagpresinta ng katibayan na nagbayad ito ng duties and taxes.
Ang nasabing makina ay inisyuhan ng Warrants of Seizure and Detention (WSD) kung kaya’t kinumpiska ito ng gobyerno kaalinsunod sa isinasaad sa ilalim ng Sections 1401 at 1113 ng CMTA.
Samantala ang iba’t ibang master cases ng counterfeit cigarettes ay nasabat batay na rin sa kautusan na nakapaloob sa nasabing probisyon ng CMTA at RA 8293, o mas kilala sa tawag na Intellectual Property Code of the Philippines.
Ang pagkumpiska at pagsira ng nasabing goods ay magsisilbing babala sa mga smuggler at gumagawa ng mga pekeng sigarilyo.
Kaugnay na rin ito sa direktiba ni Secretary of Finance Carlos Dominguez sa ahensya na higpitan pa ang pag-monitor sa importasyon at gumagawa ng ilegal na sigarilyo. (Jo Calim)
