HINILING na ni Senate Minority Leader Vicente Tito Sotto III kay Senate President Chiz Escudero na magsagawa ng mandatory random testing sa mga empleyado ng Senado.
Sa gitna pa rin ito ng isyu ng umano’y paggamit ng marijuana ng isa sa mga staff ni Senador Robin Padilla sa loob ng gusali.
Sa kanyang sulat kay Escudero, ipinaalala ni Sotto na noong 2018 ay nagpatupad na rin sila ng random mandatory drug test sa mga empleyado na nilahukan din ng mismong mga senador.
Ito ay bilang pagtugon anya sa kautusan ng Civil Service Commission upang matiyak na drug-free ang lahat ng ahensya ng gobyerno.
Samantala, kinumpirma ni Senador Juan Miguel Zubiri na ngayong Lunes ay magsasagawa na sila ng mandatory drug test sa kanilang mga empleyado.
Sinabi ni Zubiri na pangungunahan niya ang pagsailalim sa pagsusuri ng kanilang opisina.
Kasabay nito, hinimok ng senador ang iba pang kasamahan sa Senado na magsagawa rin ng drug test sa kanilang mga empleyado.
(DANG SAMSON-GARCIA)
