MANDATORY REPATRIATION SA UKRAINE KASADO NA

Aksyon OFW

MAGANDANG araw mga ka-Saksi at mga Kabayani!

Ikinasa na ng pamahalaang Pilipinas ang mandatory repatriation sa Overseas Filipinos sa Ukraine sa gitna ng tumitinding pag-atake ng Russia sa nasabing estado.

Nitong Lunes, itinaas na ng Department of Foreign Affairs sa Crisis Alert Level 4 o mandatory repatriation ang mga OFW sa Ukraine dahil sa mapanganib na ang sitwasyon doon.

Sa ilalim ng Crisis Alert Level 4, obligado ang mga OFW na mailikas at sagot ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng gastusin.

Tinutulungan na ng mga tauhan ng Philippine Embassy sa Poland at ng Rapid Response Team ang mga Pinoy na mai-relocate sa ibang bansa na kapitbahay ng Ukraine kasunod ng repatriation sa bansa.

Habang ang ilang Pinoy sa Ukraine ay hirap pa ring magdesisyon kung uuwi sa Pilipinas sa kabila ng mandatory repatriation ng DFA.

Ayon kay OFW Madison Sadon, hindi pa sila makapagpasya kung uuwi sa bansa dahil iniisip nila ang magiging trabaho at ipapakain sa pamilya. Meron din aniyang naiiyak na dahil ayaw pang umuwi sa pangamba na ‘di mabayaran ang housing loan sa PAG-IBIG fund.

Umaabot sa 380 OFWs ang naninirahan at nagtatrabaho sa Kyev at iba pang syudad na malayo sa Eastern border ng Russia.

Patuloy na mino-monitor ng Pilipinas ang pangyayari sa Ukraine upang mailayo sa kapahamakan ang ating mga kababayan.

***

Nakauwi na sa bansa ang 21 Filipino crew ng MV S-Breeze vessel mula sa Chornomosk, Ukraine nitong Martes ng umaga.

Baon nila ang mga kwento ng pangamba at takot sa Ukraine na patuloy pa ring binobomba ng Russia. Natutuwa naman ang mga seaman sa pag-uwi nila dahil makakapiling na ang kanilang mga pamilya. Maghahanap na lang umano sila ng ibang mapagkakakitaan.

Sinalubong ng mga tauhan ng DFA sa pamumuno ni Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola, ang 21 seafarers na tumawid sa Moldova mula sa Ukraine sa tulong ni Philippine Honorary Consul Victor Gaina sa gitna ng pag-atake ng Russia.

Ang nasabing mga Pinoy seaman ay naka-daong para i-repair ang kanilang barko sa Ilyichevsk Ship Yard, Odessa port sa Ukraine simula pa noong January 27.

Nag-request umano ang mga Pinoy na maiuwi sa Pilipinas dahil sa tumitinding giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia. Bagama’t sapat ang kanilang mga provision at accommodation sa barko.

Sa tulong ng Philippine Embassy sa Budapest, nailikas ang mga seaman sa dalawang batches noong February 27 at March 1, 2022.

Nailikas na rin ng DFA ang anim pang Pinoy mula sa Ukraine patungo sa Moldova.

Nitong Linggo, 17 Pinoy, kasama ang kanilang pamilya ang ­dumating sa bansa mula sa Ukraine.

***

Umabot na sa 221 OFWs sa Hong Kong ang nagpositibo sa ­COVID-19 as of March, ayon sa Philippine Overseas Labor Office (POLO).

Kinumpirma ng POLO nitong Huwebes na 43 OFW ang gumaling na habang 94 ang patuloy na nasa isolation sa loob ng bahay ng kanilang mga amo.

Sinabi ni Hong Kong Labor Attaché Melchor Dizon na 22 Pinoy workers ang nasa quarantine facilities doon, 22 sa non-government organization facilities, 6 sa hotel facilities, at 8 naman sa ilang hospital.

“Sa kasamaang palad medyo tumaas ‘yung cases. From zero noong January (2022) nagkaroon ng mga more than 100. Tapos nitong February nag-start nang tumaas, nag-6,000, tapos nag-10,000, nag-20,000. Noong March 1, 32,000,” ani Dizon

Inanunsyo na rin ng HK ang extension ng suspension ng lahat ng incoming flights mula sa walong bansa, kabilang na ang Pilipinas hanggang sa April 20.

Tiniyak ni Dizon na patuloy ang pagbibigay ng ayuda, pagkain at pagpapagamit ng power banks sa mga nagkasakit na OFW. Makatatanggap din sila ng US$200 financial assistance mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Para sa inyong sumbong, reaksyon, opinyon at suhestyon, mag-email lang sa dzrh21@gmail.com

132

Related posts

Leave a Comment