BATAY sa resulta ng pinakahuling Pulse Asia Survey na isinagawa noong Hunyo 24-27, sinabi ni Senador Win Gatchalian na 69% ng mga kalahok ang pabor sa pagpapatupad ng ROTC sa lahat ng mga mag-aaral sa senior high school, samantalang 16% ang hindi sang-ayon, at 15% ang hindi matukoy kung sang-ayon sila o hindi. May 1,200 ang mga kalahok sa naturang survey na kinomisyon ni Gatchalian.
Sa National Capital Region, 71% ang pabor sa ROTC, 78% sa Visayas, 67% sa Balance Luzon, at 64% sa Mindanao. Malakas naman ang suporta para sa ROTC ng mga nasa Class ABC (71%) at sa Class D (71%) kung ikukumpara sa mga nasa Class E (54%).
Kasama ang programang ROTC sa 19-point priority agenda ni Pangulong Bongbong Marcos na binanggit niya sa kanyang SONA. Isa din ito sa mga prayoridad ng senador na kanyang inihain ngayong 19th Congress. Sa ilalim ng Senate Bill No. 387, magiging bahagi ng Basic ROTC program ang basic military training para sa mga kabataan upang paigtingin ang kanilang kahandaan para sa national defense preparedness at sa civil-military operations. Ngunit sa ilalim ng panukalang batas, walang mag-aaral na mas bata sa labing walong gulang ang maaaring makilahok nang direkta sa labanan. Si Gatchalian ay naghain ng parehong panukala noong nakaraang 18th Congress.
Bahagi rin ng programa ang civic training at preparedness sa mga disaster response operations. Paiigtingin nito ang kakayahan ng bansa na magkaroon ng sapat na manpower at palawakin ang human resources nito sa panahon ng digmaan, kalamidad, unos, at mga sakuna. Makatutulong din ang panukala sa pagpapatupad ng batas laban sa mga krimen sa pamamagitan ng mga trained reservists. (ESTONG REYES)
