BATANGAS – Nalunod ang isang mangingisda matapos na mahulog mula sa sinasakyang bangka sa Taal Lake sakop ng Brgy. Sto. Tomas, sa bayan ng Agoncillo sa lalawigang ito, noong Lunes ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Edgardo Cabrera, 61, residente ng Brgy. Bagong Sikat, Agoncillo.
Ayon sa report ng pulisya, dakong alas-5:30 ng umaga nang ito ay mahulog sa tubig at nalunod.
Nabatid sa salaysay ng nakasaksi na si Edwin Villamor, 53, residente ng Brgy. Bugaan East, sa nasabing bayan, nakita niyang nakasakay sa bangka ang biktima nang bigla na lamang itong mahulog sa hindi malamang dahilan.
Sinubukan pa niya aniyang iligtas ito subalit mabilis itong lumubog sa tubig at nawala.
Nagtulong-tulong naman ang search and rescue team ng Philippine Coast Guard at Agoncillo MDRRMO at narekober ang wala nang buhay na biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa pangyayari at isinailalim na sa pagsusuri ng SOCO ang labi para malaman ang kondisyon ng biktima bago ito nahulog sa tubig.
(NILOU DEL CARMEN)
