PATULOY na inuulan ng batikos ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kanilang proyektong pagpapaganda ng Manila Bay dahil gastos lamang umano ito ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Archdiocese of Manila apostolic administrator Bishop Broderick Pabillo, ang P300-million white sand project sa Manila Bay ay ginastos na lang sana sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Kaugnay nito, nais ni Senador Nancy Binay na suspindehin ng DENR ang kanilang “white sand project” sa Manila Bay dahil sa panganib na dulot sa kalusugan.
Ito ay makaraang kumpirmahin ng Department of Health na maaaring magdulot ng respiratory reactions, eye irritation at problema sa gastrointestinal system ang dolomite dust.
“Yung paglalagay ng dolomite as a substitute for white sand only means na hindi dumaan sa tamang proseso at pag-aaral ang plano sa Manila Bay rehabilitation. Walang public consultation, walang environmental clearance, hilaw ang EIA/EIS, at malinaw na bara-bara at di comprehensive ang plano,” saad ni Binay.
Iginiit ng senador na karapatan ng publiko na malaman ang lahat ng detalye ng mga proyekto lalo na ang mga may epekto sa kalikasan at kalusugan.
“Kung iniisip talaga ng DENR ang kapakanan ng kalikasan at ng taumbayan, it is but proper for them to immediately stop the dumping of dolomite,” diin ni Binay.
Hinikayat din ng senador ang DENR na ilabas ang detalye ng budget sa proyekto at ang environmental impact statement para sa transparency. (DANG SAMSON-GARCIA)
195
