SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA
ANO ang “Manila Miracle ’91”?
Taguri ito ng local at foreign media sa nangyari noong 16th edition ng Southeast Asian Games na ginanap sa bansa. Bago ito, naging host ang Pilipinas ng biennial meet noong 1981.
Sa huling araw lang kasi napagpasyahan kung sino ang overall champion sa 1991 SEA Games. Matapos ang mahigit isang linggo na tagisan ng lakas, bilis at talino sa pagitan ng ating bansa at nagtatanggol noong kampeon na Indonesia, nangibabaw ang huli nang makuha nito ang ika-92 ginto at naungusan ang 91 gold medals ng mga Pilipino.
Ang naturang SEAG ang tanging edisyon na ang overall championship ay napagpasyahan sa kahulihulihang araw, nang mapagwagian ng Indonesia ang women’s marathon event noong Disyembre 3, 1991. Tumapos ang nasabing bansa na may karagdagang 86 silver at 67 bronze medals.
Samantala, maliban sa 91 gold ay nakapagbulsa rin ang mga atletang Pinoy ng 62 silver at 86 bronze medals. At kahit naungusan tayo sa kampeonato, itinuring ang 16th SEAG na isa sa mga ‘di malilimutang kaganapan sa Philippine sports sa nakalipas na 100 taon.
Kung tutuusin, ang pagkakatuloy ng palaro sa kabila ng mga pagsubok na dumaan gaya ng lindol sa Central Luzon, bagyo sa Mindanao at iba pang dala ng kalikasan at ng mga tao, ay maituturing na talaga na isang himala. Patunay rin ito ng dedikasyon at pagiging palaban ng mga Pinoy sa anumang sitwasyon.
Ngunit hindi lang mga atletang Pilipino ang nagpakita ng katatagan sa gitna ng mga pagsubok na dumating sa bansa, kundi maging ang mga ordinaryong mamamayan na personal nagtungo sa mga sports venue upang suportahan ang kanilang mga kababayan na nakipaglaban sa mga dayuhan upang mahandugan ng karangalan ang bansa.
At gaya noong 1981, ang mga atletang produkto ng Project Gintong Alay, sa pangunguna ni sprint queen Lydia de Vega, ang bumandera noong 1991. Nabawi rin ng men’s basketball team ang titulo na nahubad sa kanila noong 1989 sa Kuala Lumpur.
Si swimmer Eric Buhain naman ang naging pinakamaningning na atletang Pinoy nang kumolekta ng ginto sa 100-meter butterfly, 100-meter breaststroke, 200-m individual medley, 400-m IM, 200-m butterfly at 4×100 medley relay kasama sina Ryan Papa, Lee Concepcion at Leo Najara. Nakamit din ni Buhain ang ikalawang sunod na “Best Male Performer” ng palaro, na una niyang nakuha sa Malaysia.
Nagpakitang-gilas din ang 16-anyos na si Akiko Thompson nang agad maka-gold sa 100m backstroke.
Nilampaso naman ni De Vega ang ipinagmamalaki ng Malaysia sa 100m dash. Panalo rin si Elma Muros sa long jump.
Ang tennis sensation naman na si Felix Barrientos ay humakot ng tatlong gintong medalya sa men’s singles, men’ doubles at mixed doubles kasama si Jennifer Saberon.
Matapos ang SEA Games, pinuri ng mga opisyal ng mga bisitang bansa ang host Pilipinas at maging ang ama ng Project Gintong Alay na si Michael Keon, pamangkin ni Pangulong Ferdinand Marcos.
