LALONG lumalakas ang pagnanais ng mga Manileño na muling mailuklok sa pwesto bilang alkalde ng lungsod si dating Manila mayor Isko Moreno-Domagoso.
Sa isang kaganapan sa Ninoy Aquino Stadium nitong Linggo, inihayag ng mga matagal nang residente ng Maynila ang kanilang hangarin na maibalik si Domagoso sa pag-asang maibabalik din ang kalinisan, disiplina, at kaayusan sa kabisera ng bansa.
“Alam namin mababago ulit ang Manila tulad ng dating ginawa ninyo na magiging maayos ulit, hindi katulad ngayon na medyo magulo,” ayon sa isang miyembro ng Kaagapay ng Manileño organization. “Alam namin na kapag ikaw ulit ang uupo, magiging maayos ulit ang Manila.
Ang malakas na suporta mula sa komunidad ay sinamahan ng kumpiyansa ng slate ni Domagoso, ang “Yorme’s Choice.”
Muli namang nagpahayag ng kanyang buong suporta sa pamumuno ni Domagoso ang running-mate na si Chie Atienza na kandidato naman para sa pagkabise alkalde.
“Makakaasa kayo na para maging isang mabisang bise-alkalde, susuportahan ko nang buong-buo si Yorme Isko Moreno Domagoso,” pahayag ni Atienza.
Nagpahayag din ang konsehal ng Manila 3rd District na si Tol Zarcal ng matibay na paniniwala sa pamumuno ni Domagoso, at sinabing, “Tayo po ay walang katalo-talo ‘pag kasama natin si Yorme.”
Habang si Amado Bagatsing, ang kandidato para sa kongresista sa Manila 5th District, ay hinimok ang mga botante na suportahan sina Domagoso at Atienza.
“Pwede ba hatakin natin hanggang 90% ang boto ni Yorme at ni Chi?” tanong niya sa mga tagasuporta.
Sinusuportahan din ng mga kandidato sa konseho ng Maynila ang kampanya, kung saan nanawagan si Tol Mac Ignacio, isang aspirante para sa konsehal ng 5th District, sa mga Manileño na magkaisa sa labang eleksyon na ito.
Para kay Bong Alvarez, isang aspirante para sa konsehal ng 3rd District ng Maynila, ang pangunahing prinsipyo ng pamumuno ni Domagoso ay mananatiling susi sa kanyang tagumpay.
(JOCELYN DOMENDEN)
