INAPRUBAHAN na sa ikalawang pagbasa ang panukalang magpapataw ng hanggang 15 taong pagkabilanggo sa mga taong magnanakaw at maninira ng road at traffic signages.
Sa pamamagitan ng viva voce voting, inaprubahan sa plenaryo ng Kamara ang House Bill (HB) 7886 na inakda nina Quezon City Rep. Alfred Vargas at Manila Rep. Manuel Luis Lopez.
Umaasa ang mga nabanggit na mambabatas na tuluyang matitigil ang pagnanakaw at paninira ng road at traffic signs sa buong bansa na isa sa mga dahilan ng mga aksidente.
Ginawa ang nasabing panukala dahil noong 2013 umaabot sa 42,558 road signs ang ninakaw at sinira, base sa record ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Base sa inaprubahang panukala, sinomang mahuhuli na nagnanakaw ng road at traffic signs, warning devices at iba pa ay papatawan ng mula 12 taon hanggang 15 taon pagkakabilanggo o multa na dalawang beses ang halaga sa ninakaw.
Hanggang 12 taong pagkakabilanggo naman ang ipapataw na parusa sa mga maninira ng mga nabanggit na ari-arian ng gobyerno at 6 taong kulong naman kahit tinatangka pa lamang nakawin at sirain.
Karaniwang ibinibenta ang mga signage na ito ng mga kawatan kaya maging ang mga bumibili ay parurusahan ng hanggang 8 taong pagkakakulong.
Agad namang sisibakin sa serbisyo at hindi ibibigay ang mga benepisyo kapag ang mga salarin ay mismong mga tauhan ng gobyerno.
Bukod dito, nakasaad din sa batas na ang mga multang makukuha sa mga sinentensyahang kawatan at maninira sa mga nabanggit na mga bagay ay ibibigay nang buo sa mga magsusumbong o
mga taong magbibigay ng impormasyon kung sino ang mga nagnakaw. (BERNARD TAGUINOD)
228
