MATIWASAY at ligtas nang makabibiyahe ang mga motorista sa mga bayan ng Rosario, Lobo, at Taysan sa Batangas.
Ito ay matapos pormal nang buksan sa publiko ang bagong Catandala Bridge na nag-uugnay sa tatlong bayan.
Ang 121-meter long bridge ay may lapad na 13 metro at taas na 24 metro mula sa Calumpang River.
May sidewalks, guardrails, at viewing decks para sa kaligtasan at ginhawa ng mga motorista at pedestrian.
Ang nasabing lugar ay minsan nang tinagurian at kilala bilang isa sa mga pinakamapanganib na daan sa Batangas.
Ayon kay Kapitan Jose De Torres ng Barangay Catandala, bago natayo ang bagong tulay, matagal na panahon na hindi napalitan ang dating bamboo bridge matapos itong sirain ng matinding baha, ilang dekada na ang nakalipas.
Sa halip na palitan, isang matarik na spillway ang inilagay na naging sanhi ng ilang malagim na aksidente sa mga nakaraang taon.
Dahil sa pagkakaroon ng bagong state of the art bridge, inaasahang magpapabilis ito ng biyahe papasok at palabas ng bayan ng Ibaan patungo sa mga karatig lugar nito.
(NILOU DEL CARMEN)
