MARBIL, NANAWAGAN NG SUPORTA SA KAHALILING SI TORRE

NANAWAGAN si outgoing PNP chief General Rommel Francisco Marbil, ng supporta kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Police Major General Nicolas D. Torre III, bilang susunod na Hepe ng Philippine National Police (PNP).

Si Police General Rommel Francisco D. Marbil ay nakatakdang magretiro sa serbisyo sa Hunyo 7, 2025. Gaganapin ang Change of Command Ceremony at Retirement Honors para kay PGen. Marbil sa Hunyo 2, 2025.

Si PMGen Torre, ay opisyal mula sa Philippine National Police Academy (PNPA) “Tagapaglunsad” Class of 1993, at kasalukuyang nagsisilbing Director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang pangunahing yunit ng PNP na nakatuon sa pagsugpo ng malalaking krimen at sindikato sa buong bansa.

Si PGen Marbil, ang ika-30 Hepe ng PNP, sa kanyang maikling mensahe ay taos-pusong pinasalamatan si Pangulong Ferdinand R. Marcos at ang sambayanang Pilipino sa tiwalang ibinigay sa kanya.

“Si PMGen Torre ay isang masipag, subok na at may matatag na prinsipyong opisyal. Buo ang aking tiwala na kanyang ipagpapatuloy ang pamumuno sa PNP nang may integridad at malinaw na direksyon. Hinihikayat ko ang bawat pulis at kawani ng PNP na ibigay sa kanya ang parehong suporta at kooperasyon na inyong ipinagkaloob sa akin,” ayon kay Marbil.

Bago naging Hepe ng CIDG si Torre, pinamunuan nito ang Police Regional Office 11 o Davao Region kung saan matagumpay nilang naaresto ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo C. Quiboloy matapos ang 16 araw ng police operation.

Marso 11, taong kasalukuyan ay pinamunuan naman ni CIDG chief Torre ang pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo R. Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, at i-turnover sa International Criminal Court (ICC) detention center sa The Hague, Netherlands dahil sa “crimes against humanity”.

(TOTO NABAJA)

21

Related posts

Leave a Comment