DAPAT bigyan ng parehong pagpapahalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga manggagawa sa pribadong sektor, tulad ng pagbibigay nito ng umento sa military and uniformed personnel (MUP), ayon kay Deputy Speaker at TUCP party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza.
Reaksyon ito ng labor solon matapos ipalabas ang Executive Order 107, na magtataas ng base pay at subsistence allowance ng mga sundalo, pulis, bumbero, jail guards, coast guards at mga kawani ng NAMRIA simula Enero 1, 2026.
“Mr. President, wala dapat double standard. Kung kaya natin taasan ang sweldo ng mga unipormado, kaya rin nating taasan ang sweldo ng manggagawang Pilipino,” diin ni Mendoza.
Aminado ang kongresista na malaki ang serbisyo ng MUP, pero giit niya, huwag balewalain ang limang milyong minimum wage earners na araw-araw ding nagsasakripisyo ngunit patuloy pinagkakaitan ng maayos na kita.
“Kilalanin at suklian din natin ang ating mga manggagawang patuloy na nagsasakripisyo… habang sila at ang kanilang pamilya ay lugmok sa kagutuman, kahirapan at kawalang kinabukasan,” dagdag pa ni Mendoza.
Kasabay nito, iginiit niya na dapat sertipikahan ni Marcos bilang urgent ang House Bill 88, na naglalayong magpatupad ng P200 daily minimum wage increase nationwide, lalo’t patuloy ang taas-presyo ng bilihin at serbisyo.
“Paano naman ang morale, kalusugan, at dignidad ng ating mga manggagawa at kanilang pamilya? Just like our nation’s defenders, Filipino workers continue to power our industries and economy,” panawagan ni Mendoza.
Binigyang-diin rin ng mambabatas na huling legislative wage hike pa noong 1989, at mula noon, regional wage boards lang ang gumagalaw—pero aniya’y palaging kulang at “binabarat” ang sektor privado.
“Kung hindi kikilos ang Pangulo na sertipikahang urgent at ang Kongreso na isama sa LEDAC priority bills, baka lalong maubos ang pasensya ng sambayanang Pilipino na habang bilyun-bilyong ang ninanakaw ng iilan, ang dalawandaan ay hindi maibigay-bigay,” babala ni Mendoza.
(BERNARD TAGUINOD)
12
