NAGDUDUDA na ang isang militanteng mambabatas sa hindi pa pagsasapubliko ng Malacanang sa resulta ng imbestigasyon ng Local Water Utilities Administration (LWUA) sa PrimeWater ng mga Villar.
“Bakit hindi muna agad ilabas ang resulta ng imbestigasyon sa PrimeWater? May tinatago bang corruption scandal? Baka tulad ng nakaraang eleksyon may hokus pokus uli si Marcos Jr. sa resulta,” ani Kabataan party-list Rep. Renee Co.
Halos dalawang linggo na ang nakalipas nang isumite ng LWUA ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa PrimeWater na inirereklamo dahil bukod sa mahal maningil ay hindi maayos ang serbisyo.
Pero hanggang ngayon ay hindi pa inilalabas ng Malacanang sa publiko ang report ng LWUA.
“No to cover-ups! Huwag mo na pagtakpan ang golf buddies mo! Hindi dapat maging bara sa pananagutan ang laro ng mga dinastiya at negosyo. Ipagsabay dapat ang pagsolusyon sa serbisyo ng tubig at pagpapanagot sa mga nanamantala nito para magkamal ng kita,” ayon sa mambabatas.
Bukod sa Makabayan bloc na kinabibilangan ni Co, naghain din ng hiwalay na resolusyon si Zambales Rep. Jay Khonghun para imbestigahan ang PrimeWater dahil ilang taon na umanong nagdurusa ang kanyang mga kababayan.
Ayon kay Co, masusubukan sa usapin ng PrimeWater kung may political will si Marcos na mabigyan ng katarungan ang consumers na matagal nang nagdurusa sa masamang serbisyo ng nasabing kumpanya ng pamilyang Villar.
Subalit tila inilalayo umano ni Marcos sa spotlight ang PrimeWater ng mga Villar dahil hindi pa nito isinasapubliko ang resulta ng imbestigasyon ng LWUA at maging ang rekomendasyon ng ahensya para maresolba ang problema.
“Kung seryoso si Marcos Jr. sa isyu ng tubig para sa mamamayan, pagkatapos niya isapubliko ang mga findings ng LWUA, mag-issue dapat siya ng Executive Order that cancels all onerous JVAs and instruct LWUA to take back full management of affected water districts,” hamon pa ni Co.
(BERNARD TAGUINOD)
