MARCOS SUPORTADO NG 15 SA 24 MAYORS SA BULACAN

HALOS tiyak na ang panalo ni presidential bet at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng Partido Federal ng Pilipinas, at vice-presidential bet at Davao City Mayor Sara Duterte sa Bulacan makaraang maglabas ng kalatas ng suporta ang 15 sa 24 na alkalde sa nasabing lalawigan pagsapit na pinananabikang halalan sa Mayo.

Ayon kay Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz Jr., tumatayong pangulo ng League of Municipalities sa lalawigan ng Bulacan, 15 sa hanay ng mga alkalde ang lumagda sa isang manifesto kung saan inilahad ang kanilang suporta sa tambalang BBM-Sara.

Bukod sa mga reeleksyonistang alkalde, mayroon din aniyang tatlong mayoralty bet ang lumagda sa naturang manifesto.

Kabilang sa mga alkaldeng nagpahayag ng suporta ay sina Mayor Cruz, Mayor Eladio Gonzales Jr. ng Balagtas, Mayor Jose Santiago Jr. ng Bocaue, Mayor Francis Albert Juan ng Bustos, Mayor Ricky Silvestre ng Marilao, Mayor Mary Ann Marcos ng Paombong, Mayor Roderick Tiongson ng San Miguel, Mayor Cipriano Violago Jr. ng San Rafael, Mayor Raulito Manlapaz ng Hagonoy, Mayor Arthur Robes ng City of San Jose Del Monte, Mayor Edwin Santos ng Obando, Mayor Russel Pleyto ng Sta. Maria, Mayor Narding De Leon ng Angat, Mayor Ferdie Estrella ng Baliuag, at Mayor Vergel Meneses ng Bulakan.

Kasama rin sumusuporta sa UniTeam ang mayoralty candidates na sina former mayor Christian Natividad ng Malolos City, former mayor Geronimo Cristobal ng Norzagaray at Cris Castro ng Pandi.

“We collectively believe that Marcos and Duterte is the tandem our country needs to unite our people and to bounce back as a nation,” ayon sa manifesto.

“As elected local chief executives and official candidates, we are mandated to look after the welfare of our people, we have faith that the UniTeam will deliver the much-needed support to our localities,” wika pa nila sa manifesto.

Maghahati-hati naman sa nalalabing lokalidad ng Bulacan ang siyam pang katunggali ni Marcos sa presidential derby. (ELOISA SILVERIO)

178

Related posts

Leave a Comment