MARTSA SA KAMARA ILALARGA PARA SA P200 UMENTO SA SAHOD

ISA sa mga inaasahang pagtitibayin sa pagbabalik trabaho ng dalawang kapulungan ng Kongreso ngayong araw, June 2 ang P200 legislative across the board wage increase.

Kasabay nito, inanunsyo ng National Wage Coalition (NWC) na magmamartsa ang mga ito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ngayong Lunes, para sa inaasahang pagpapatibay sa ikatlo at huling pagbasa sa nasabing panukala.

Ayon sa grupo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Kilusang Mayo Uno (KMU), Nagkaisa! Labor Coalition (NAGKAISA!) at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), walang mas mahalagang panukala na dapat pagtibayin ng Kongreso kundi ang P200 legislative wage hike.

Noong Pebrero 5, 2025 ay pinagtibay sa ikalawang pagbasa ang nasabing panukala kaya inaasahan na isasalang na ito sa ikatlo at huling pagbasa upang maipasa sa bicameral conference committee dahil matagal nang pinagtibay ng Senado ang kanilang hiwalay na bersyon bagama’t umaabot lamang ito ng P100.

“With only six session days left in June, every Filipino worker and their family is counting on the commitment of Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez and the members of the House of Representatives to be truly the House of the People,” ayon sa NWC.

Huling nagkaroon ng legislated wage increase noong 1989 kung saan nadagdagan ng P25 ang arawang sahod ng lahat ng mga manggagawa sa buong bansa.

“This is the moment of truth. Let us not fail the more than five million minimum wage earners who have suffered for far too long. Together, let us make history by lifting them out of poverty and bringing the nation closer to fulfilling the constitutional right of a living wage nearly four decades since that promise was made,” giit ng grupo.

Unang hiniling ni Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza kay Pangulong Marcos na sertipikahan bilang urgent ang nasabing panukala upang hindi na ito dumaan sa regular na proseso sa paggawa ng batas.

Gayunpaman, hanggang kahapon ay walang inilalabas na sertipikasyon si Marcos.

(BERNARD TAGUINOD)

28

Related posts

Leave a Comment