SINABI ni Presidential spokesperson Harry Roque na welcome sa Malakanyang ang desisyon ng Korte Suprema na payagan si Mary Jane Veloso na tumestigo laban sa kanyang recruiters habang
nakakulong ito sa Indonesia.
Ani presidential spokesperson Harry Roque, natutuwa ang Malakanyang sa naturang development dahil makikita na biktima si Veloso.
Napag-alaman na ibinasura ng SC Third Division with finality ang mosyon nina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao na humihiling sa korte na irekonsidera ang October 2019 decision na payagan si Veloso na tumestigo sa pamamagitan ng written interrogatories.
Giit ng Korte Suprema na walang substantial argument ang motion for reconsideration maliban sa isyung nakonsidera na ng korte.
Bukod dito, ibinasura ng Mataas na Hukuman ang mosyon nina Sergio at Lacanilao na itakda ang kaso para sa oral arguments.
Sa kasalukuyan ay nakakulong si Veloso dahil sa kasong drug trafficking at sinintensyahan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad sa Indonesia dahil sa pagdadala ng 2.6 kilogram na
heroin sa kanyang bagahe sa Yogyakarta airport noong 2010.
Subalit, naisalba siya noong 2015 makaraang sumuko sa mga awtoridad si Sergio na sinasabing recruiter ni Veloso. (CHRISTIAN DALE)
111
