MAS MABIGAT NA PARUSA VS ABUSADONG GOV’T OFFICIALS

HINDI dapat palagpasin ang ginawang pang-aabuso ng isang Philippine Ambassador sa ­kanyang kasambahay na kapwa Filipina habang naninirahan sa ibang bansa. Imbes na sila ang mangangalaga sa kapakanan sa ating mga kababayan sa ibang bansa, sila pa mismo ang ­nagmamaltrato sa kaniyang ­kapwa.

Ang tinutukoy ng PUNA ay si Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro na nakunan ng CCTV habang paulit-ulit niyang sinasaktan ang kanyang kasambahay sa official residence niya.

Kitang-kita sa video footages ang hindi makatao na pagtrato ni Ambassador Mauro.

Kung ganito ang ugali ng mga opisyal na nakalataga sa mga embahada ng Pilipinas sa ibang bansa, paano silang makakatulong sa mga kababayan nating inaapi ng kanilang mga amo?

Ang mga kababayan natin ay hindi magiging overseas Filipino workers (OFWs) kung hindi sila naghahangad ng ikabubuti para sa kani-kanilang pamilya at nakatutulong din sila sa gobyerno sa pamamagitan ng kanilang remittances.

Bago sila nagdesisyon na magtrabaho abroad ay marami silang isinakpisyo tulad ng home sick, pagkawalay sa pamilya lalo na sa kanyang mga anak at asawa. Karamihan sa kanila ay nagbenta pa ng kanilang mga hayop o kundi man ay nagsanla ng kanilang lupang sinasaka para lamang makapag-abroad.

Hindi rin nila inisip ang kanilang magiging kapalaran pagdating sa kanilang patutunguhang bansa.

Kahit na panganib ay hindi nila iniisip basta’t maiahon lamang ang pamilya sa kahirapan.

Pagdating sa mga problema na maaari nilang maranasan sa bansang kanilang pinuntahan, ang inaasahan nila na tutulong sa kanila ay ang mga opisyal natin sa ating mga embahada.

Pero paano kung ang opisyal mismo ng embahada ang siyang nagmamaltrato sa ­kanyang sariling kasambahay o staff?

Kanino pa kaya tatakbo ang OFWs?

Dati na ring nagalit si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga taga embahada na hindi maganda ang pagtrato o pabaya sa OFWs.

Naulit na naman ito ngayon. At nagiging paulit-ulit na lang ang pangyayaring ito at hindi na natutuldukan.

Siguro ay panahon na upang dagdagan ng mas mabigat na parusa ang mga opisyal ng ­gobyerno na nangaabuso sa mga o­rdinaryong tao.

Nakapanggigigil ang pangyayaring imbes na tayong mga magkababayan ang magkampi habang nasa ibang bansa, tayo pa mismo ang nangaabuso sa ating kapwa.

Ano ba ang mas masarap ang pakiramdam ang nangaapi tayo sa ating kapwa o nakakatulong sa kanila? Masaya ba na mayroong natatapakang tao? Sa halip magpasalamat na nabigyan ng pagkakataon ang iba na manungkulan sa gobyerno, ginagamit ito ng iba para abusuhin ang kaniyang ­kapwa. ‘Wag naman!

Hindi kayo binigyan ng pwesto sa gobyerno para mang-abuso. Dapat kayo ay maglingkod dahil mga ‘public servant’ kayo.

Kung hindi ninyo tanggap ang pagiging public servant, huwag na kayong magtrabaho sa alinmang tanggapan ng gobyerno.

Mas makabubuti sa inyo, magtayo na lang ng sarili ninyong negosyo.

Dapat ding tandaan na lahat ng hindi magandang gagawin ng sinomang opisyal ay may kaakibat na parusa.

Nariyan ang Civil Service Commission (CSC), Office of the Ombudsman, Department of Justice (DOJ) at iba pa na ­nakaantabay sa anumang kaso na maaaring isampa laban sa mga abusado.
Lalo na sa panahon ngayon na marami nang mata na ­maaaring mag-expose sa mga pang-aabuso dahil sa social media.

Kaya kayong mga opisyal ng gobyerno, kahit saang sulok kayo ng mundo, kapag gumawa kayo ng mabuti o masama, anumang oras ay maaari kayong mag-viral sa pamamagitan ng social media.

At hindi mapapasinungalingan yan dahil matibay na ebidensiya ang video na kuha laban sa inyo. Kaya sa ating mga kababayan ‘wag tayong magsawa na kumuha ng video gamit ang ating mga cellphone laban sa mga hindi magandang gawain pribado man o nasa gobyerno.

oOo

Para sa suhestiyon o reklamo maaari kayong mag-email joel2amongo@yahoo.com at ­operarioj45@gmail.com.

110

Related posts

Leave a Comment