THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
SIMULA Marso 15, muling ipatutupad ng Toll Regulatory Board (TRB) ang cashless o contactless toll collection sa lahat ng mga expressway.
Mahalaga ang inisyatibang ito para mas mapadali, mapabilis at magkaroon ng mas maginhawang biyahe ang mga motorista.
Nauna nang inilunsad ang naturang programa noong Disyembre 2020 bilang solusyon sa matagal na pila at congestion sa mga toll plaza pero hindi pa ito ganap na naipatupad dahil sa ilang operational na isyu. Ngayong handa na ang pamahalaan at siyempre ang mga concessionaire na nagpapatakbo dito, siguradong lubos na makikinabang ang mga motorista, komunidad na nasasakupan ng mga expressway na ito at lalo pang mapabubuti ang sistema ng transportasyon sa bansa.
Ayon sa pahayag ng TRB, nasa 97% na ng mga motorista sa expressway ang gumagamit ng electronic toll collection (ETC) device o RFID sticker – kaya mataas naman na ang antas ng pag-adopt sa cashless toll system sa bansa. Pero dahil nga magiging requirement na ito sa lahat ng daraan sa mga toll plaza, importanteng makapag-transition na rin ang natitirang 3% pa na mag-transition na para sa mas mabilis at mas efficient na biyahe.
Binanggit din ng TRB na ang kadalasang congested o mahaba ang pila ng mga sasakyan sa mga dedicated toll lane para sa mga motoristang nagbabayad ng cash, kaya nagiging sanhi rin ito ng pagkaantala sa daloy ng trapiko. Siguradong magiging mas maayos at mas mabilis kung ETC na lang talaga ng ginagamit sa mga toll plaza.
Sapat naman ang panahon na nakalaan para makasunod ang mga motorista. Bukod pa riyan, iwas abala na rin kasi alinsunod sa joint memorandum circular ng TRB, Department of Transportation, at Land Transportation Office, magiging mahigpit na ang pagpapatupad ng “no valid ETC device, no entry” na polisiya. Kaya habang maaga pa at para maiwasan ang multa, hinihikayat ng TRB at mga concessionaire na paghandaan na ito.
Hindi naman ito responsibilidad lamang para sa mga motorista dahil inatasan na rin ang mga concessionaire, operator at mga RFID service provider na maglagay ng mas maraming RFID installation sites at loading stations sa loob at labas ng mga expressway. Bukod pa riyan, magsasagawa rin sila ng aktibong mga information campaign at caravan para siguruhing maa-accommodate ang lahat ng motorista.
Siyempre, kaisa ng pamahalaan ang mga operator at concessionaire. Sa isang joint statement, nagpahayag na rin ng kanilang pagsunod at pagsuporta ang San Miguel Infrastructure, Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC), MCX Tollway Inc., Bases Conversion and Development Authority (BCDA), Philippine Reclamation Authority (PRA) at ang kanilang buong pag-aari na subsidiary na PEA Tollway Corp. (PEATC).
Ayon sa kanila, mahalaga ang papel ng pagpapatupad nito sa pagpapagaan ng trapiko sa toll plazas, pagpapabuti ng kaligtasan at kaginhawaan para sa mga motorista, at pag-optimize ng operasyon ng mga expressway.
Hinihikayat na nila ang lahat ng mga motorista na maging expressway-ready sa pamamagitan ng pagpapakabit ng RFID sticker at pagsigurong laging may sapat na load ang kanilang mga account.
Madali lang naman magpakabit ng RFID sticker, at maaari ring magpa-check sa pinakamalapit na station ng RFID service providers para masigurong maayos at gumagana pa ito. Mabilis lang din ang installation at madali lang naman mag-load sa loading stations o sa mga online payment channel.
Mayroon ding official mobile apps, tulad ng MPT DriveHub, para makita ang real-time balance ng inyong toll account, pati na rin ang mga importanteng impormasyon tungkol sa toll fees at reloading.
Bukod sa mga benepisyo nitong sistemang ito, makabubuti rin ito sa sektor ng transportasyon sa bansa. Kung mayroon namang mga isyu o pag-aalinlangan pa rin, nariyan naman ang TRB at mga concessionaire para tumugon at tumulong, at siyempre para masigurong magkakaroon ng maayos na pagpapatupad nito at magkaroon tayo ng mas ligtas, maayos at maginhawang biyahe.
