NANANAWAGAN ang ilang senador sa gobyerno na mas higpitan pa ang mga ipinatutupad na hakbangin laban sa COVID-19 upang maiwasang tumaas ang kaso ng Delta Variant sa dangerous levels.
Sinabi ni Senador Nancy Binay na hindi lamang ang mismong virus ang kailangang aksyunan dahil karugtong nito ang mga bagay na hindi na rin kontrolado.
Ipinaliwanag ni Binay na dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID cases, napupuno ang mga pagamutan at tiyak na makadaragdag ng stress level healthcare workers ang mga bagong variants.
Umaasa si Binay na makahahanap ng mga paraan ang gobyerno upang protektahan ang mga healthcare workers na mas expose sa bagong variants.
Sinabi naman ni Senador Sonny Angara na dapat nang simulan muli ng gobyerno ang paglilimita ng mga tao sa loob ng mga in private establishments tulad ng mga shops, gyms, mga gusali at iba pang enclosed spaces.
Iginiit naman ni Senador Koko Pimentel na dapat ang taumbayan na mismo ang magdisiplina sa kanilang sarili at tiyaking lalabas lamang ng bahay kung mahalaga ang pakay.
Sa panig ni Senador Risa Hontiveros, iginiit nitong mahalagang palakasin pa rin ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang testing at contact tracing program at ang genome sequencing.
Hinikayat naman ni Senador Kiko Pangilinan ang gobyerno na tumanggap na ng payo ng ibang eksperto sa ibayong dagat. (DANG SAMSON-GARCIA)
