‘Mas safe sa loob’ GARMA URONG-SULONG KUNG LALABAS SA KAMARA

NAGDADALAWANG-ISIP lumabas sa kulungan sa Batasan Pambansa Complex sa Quezon City si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager at retired PCol. Royina Garma dahil sa kanyang seguridad.

Ito ang basa ng dalawang chair ng Quad Committee na sina Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers dahil matatapos na ang contempt order laban kay Garma sa Oktubre 28, 2024 at maaari na itong umuwi.

“Medyo adamant na lumabas. Gusto niya na hindi. Parang gusto niyang lumabas na parang ayaw,” pahayag ni Fernandez nang personal umano nilang makausap si Garma matapos ang ika-9 pagdinig ng Quad Comm noong Martes.

Magugunita na na-cite-in-contempt si Garma noong Setyembre 20, 2024 dahil hindi umano ito nagsasabi ng katotohanan kung saan pinatawan ito ng isang buwang pagkakakulong sa detention center sa Batasan Pambansa Complex.

Kasama ni Garma sa kanyang detention cell ang kanyang anak mula nang ipakulong ito ng komite at sa Lunes ay matatapos na ang kanyang contempt order kaya tinanong umano ito ng mga mambabatas saan siya kumportable, sa labas o sa Batasan.

“Tinanong namin siya. Saan ka ba mas safe, dun nagkakaroon siya ng confusion,” ani Fernandez.

Hindi naman masisisi ni Barbers na mangamba si Garma sa kanyang kaligtasan dahil hindi biro ang kanyang isiniwalat kaugnay ng war on drugs lalo na sa Davao model kung saan binabayaran ang mga pulis na makapapatay ng drugs suspect mula P20,000 hanggang P1 million bawat ulo.

Gayunpaman, anoman aniya ang desisyon ni Garma matapos ang kanyang contempt order ay igagalang umano ng komite lalo na’t nakikipagtulungan na ito sa imbestigasyon sa war on drugs partikular na sa extra-judicial killings (EJK).

Si Garma ay kabilang sa mga kinasuhan sa International Criminal Court (ICC) ng kasong crime against humanity at nadawit din ang pangalan nito sa assassination kay dating PCSO board secretary at ret. PGen. Wesley Barayuga. (BERNARD TAGUINOD)

184

Related posts

Leave a Comment