MASAKIT SA BULSA

NAPAKASAKIT sa bulsa ng mataas na presyo ng langis na lalong tumaas dahil sa pag-atake ng Russia sa Ukraine, kahit 12% lang sa world consumption ang mula sa bansa ni Vladimir Putin.

Kung nakaka-aray na ang 60 sentimos hanggang pisong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, mas nakakasugat sa bulsa ang P4.50 hanggang P5.50 na dagdag sa presyo nito bawat litro.

Kung inaakala ng marami na tanging ang mga may sasakyan na sinasabi nilang nakakaangat sa buhay kahit papaano, ang nasasaktan sa pagtaas ng presyo ng krudo, napakalaking kamalian.

Mas matindi ang epekto nito sa mga walang sasakyan at mga ordinaryong mamamayan dahil sa kanila babawiin ang mga dagdag na gastos ng mga negosyante sa kanilang operasyon.

Kapag tumataas ang konsumo ng mga negos­yante sa petrolyo, tataasan nila ang ­presyo ng kanilang mga produkto para mabawi ang dagdag nilang gastos kaya ang consumers ang magdudusa.

‘Yan ay sa pagkain at iba pa pang-araw-araw pa lamang na kailangan ng mga tao dahil pagdating sa transportasyon, sa commuters din babawiin ang dagdag na gastos sa petrolyo kaya tataas ang pasahe.

Tiyak din na mag-iisip na ang commuters ng paraan para makatipid at ang isang solusyon diyan ay ang bisekleta pagpasok nila sa trabaho na malaking kabawasan din sa mga tsuper at operators kaya malilimitahan ang kanilang pasahero pero ganun pa rin ang gastos nila. Lugi.

‘Yung mga serbisyo publiko, tulad ng kuryente, palagay niyo ‘di nila babawiin sa mga customer nila ang dagdag na gastos sa pag-produce ng kuryente gamit ang petrolyo? Babawiin at babawiin nila ‘yan.

Ang mga mangingisda na gumagamit din ng petrolyo sa pangingisda nila, asahan din na tataas na ang presyo ng kanilang mga huling isda at sa consumers pa rin ang bagsak n’yan.

Ang alam kong hindi lang makakabawi kapag tumataas ang presyo ng petrolyo ay ang mga magsasaka dahil hindi nila maitaas ang presyo ng kanilang aning palay lalo na roon sa mga lugar na walang irigasyon at gumagamit lang ng deep well.

Pero ang mga middleman tiyak na ipapasa sa ­consumers ang kanilang gastos sa gasolina kapag idineliber nila ang produkto ng mga magsasaka sa mga palengke kaya ang dusa, mamamayan pa rin.

Ang masaklap lang na katotohanan, hindi natin alam kung tama ba o sobra-sobra ang kinikita ng oil companies dahil ayaw nilang isapubliko ang kanilang gastos hanggang sa kanilang kita sa bawat litro ng kanilang mga ibinebentang petrolyo.

Katuwiran nila, company secret daw kaya kinokontra nila ang hamon na i-unbundle ang kanilang gastos dahil ­siguro baka takot silang mabuko na overprice ang kanilang benta.

Dapat siguro gamitin na ng gobyerno ang kanilang kapangyarihan at kontrolin na ang industriyang ito habang war freak pa si Putin dahil kung hindi lalong magiging pobre ang mga dukha.

328

Related posts

Leave a Comment