PINAALALAHANAN ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga punong bayan at maging ang mga residente sa paligid ng Mt. Kanlaon, na maging alerto sa posibleng paglala ng seismic activity sa bulkan, na posibleng mangailangan ng biglaang paglikas, ayon kay OCD-Negros Island Region Director Donato Sermeno III.
Kasunod ito ng ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) hinggil sa mga naitalang seismic activity ng bulkan na maaaring mauwi sa pagputok nito.
“We are in contact with Phivolcs. Alert Level 2 remains in effect, and concerned DRRMOs (Disaster Risk Reduction and Management Offices) are on alert,” ayon naman sa ibinahaging pahayag ni Gov. Eugenio Jose Lacson sa OCD.
Nabatid na nakapagtala ang Kanlaon Volcano Network ng 41 volcano-tectonic (VT) earthquakes mula Sabado ng gabi hanggang kinabukasan ng Linggo.
“The increase in VT events could raise the chances of steam-driven or phreatic eruptions, or short-lived weak to moderately explosive eruptions at the summit. These may generate life-threatening volcanic hazards such as pyroclastic density currents (PDCs), ballistic projectiles, ashfall, and rockfall,” ayon sa ulat.
Nakataas sa alert level 2 ang Bulkang Kanlaon matapos maitala ang apat na volcanic earthquake sa paligid ng bulkan sa nakalipas na magdamag, ayon sa Phivolcs.
Nabatid sa Phivolcs, naitala rin ang pagbuga ng usok sa bunganga ng bulkan na may taas na 600 meters.
Sinabi pa ng Phivolcs na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng tao sa 4-kilometer radius dahil sa banta ng pagputok ng bulkan.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpapalipad ng anomang uri ng aircraft malapit sa bulkan dahil sa banta ng pagputok nito.
(JESSE RUIZ)
186
