MASYADONG MARAMING KASALANAN SI TRILLANES

ISANG kagaya ba ni Antonio Trillanes IV ang iluluklok natin sa pagka-Pangulo sa 2022?

Gustong-gusto niyang tu­mak­bo at nagsabi na siya ­kamakailan na kung hindi susunggaban ni Vice President Leni Robredo ang sabong sa pagka-Pangulo ay siya ang tatakbo bilang kandidato ng oposisyon.

Kapal lang din di po ba?

Masyado nang maraming kasalanan sa sambayanang Filipino itong si Trillanes. Hindi ko maintindihan bakit ang lakas pa ng loob nitong tumakbo at maging Pangulo? Wala naman napakinabang sa kanya ang taumbayan, kung tutuusin! Hindi po ba mga kababayan?

Kahit nga siguro sa pagka-Senador ay olats ito pag nagkataon. Wala rin naman siyang ginawa noong nakaupo pa siya sa pwesto kundi ang manggulo, bumatikos at ang manira ng reputasyon ng kapwa-tao.

Natatandaan niyo pa kung paano niya winakwak noon si dating Vice President Jejomar Binay at ang anak nitong si dating Makati City Mayor Junjun Binay?

Noong bago mag-eleksyon taong 2016, si dating VP Binay ang nangunguna sa mga survey sa halalang pampanguluhan. Nakasilip itong si Trillanes ng mga isyung ibabato sa mga Binay kaya hayun nalaglag sa pansitan ang dating makinang na buhay pulitika ni Jojo Binay.

Pero huwag tayong magkamali. Kung hindi lang din sinuportahan ng dating administrasyon ni Noynoy Aquino itong si Trillanes ay walang mangyayari sa kaniyang mga pinagsasabi. Nagmistulang teleserye pa ang mga pagdinig noon sa Senado dahil halos inaraw-araw na wasakin ang pagkatao ng dating Pangalawang Pangulo.

Pero sa ngayon, binabalikan na si Trillanes ng mga malisyoso niyang paratang noon. Kaya ang korte na mismo ang nagsabi na paninirang puri ang ginawa niyang pagbatikos noon sa mga Binay.

Guilty sa kasong libel ng Makati City Regional Trial Court ang mahilig na magmagaling na si Trillanes matapos ba naman niyang sabihin na bayaran ng nakababatang Binay ang mga mahistrado ng Court of Appeals. Nauna rito, guilty na rin siya noon sa kasong indirect contempt ng CA dahil sa kaniyang alegasyon na malisyoso at walang basehan.

At huwag din tayong makalimot na guilty rin sa kasong kudeta at rebelyon itong si Trillanes noong kubkubin naman ng kanilang grupong Magdalo ang Oakwood Hotel at Manila Peninsula sa Makati City at nagtanim pa ng mga bomba sa paligid ng Ayala Avenue na naghasik pa ng matinding takot at pangamba sa publiko.

Pinatawad lang ito ng ­gobyerno kaya naabswelto pero hindi nangangahulugan na nakalimutan na ng sambayanan ang kanyang mga naging kasalanan.

Kaya uulitin natin ang tanong kanina, isang kagaya ba niya ang iluluklok natin sa pagka-­Pangulo? Kawawa ang bansa kung bibigyan natin ng pagkakataon ang isang kagaya nitong si Trililing este Trillanes na ang gusto palagi ay manggulo at hindi ang kapayapaan at ­kaunlaran na pangarap ng mga Filipino.

Sabagay, matagal-tagal pa ang 2022 elections. kahit panay ang porma na nitong si Trillanes sa social media ay wala na rin naman pumapansin sa kanya. Tapos na ang kanyang panahon sa pulitika. Kung noon ay ­maaaring nabilog niya ang ulo ng mga taong bumoto sa kanya, malamang sa malamang ay hindi na ito mauulit pa.

Nakilala na siya ng ­sambayanang Filipino at naisiwalat na ng husto ang tunay niyang agenda. Payback time na para sa mamamayang Filipino. Kung ako kay Trillanes ay huwag na siyang tumakbo sa pagka-Pangulo man o kahit sa Senado.

Ang bagay sa kanya ay mamingwit na lang ng isda o kaya ay sumisid sa West ­Philippine Sea (WPS) tutal dati naman siyang miyembro ng ­Philippine Navy.

129

Related posts

Leave a Comment