NAGSASAGAWA na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng imbestigasyon ukol sa ginagamit na algorithm ng Grab para sa pasahe at price surge nito na inirereklamo ng mga customer.
Sa isang radio interview, sinabi ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz na dinidinig na ng ahensiya ang reklamo ukol sa sistema ng Grab sa pagtatakda nito ng singil sa pasahe at surge fees.
“Base sa pag-aaral natin, ang algorithm nila masyado nga pong malaki so we’re trimming it down, iyong kanilang mga surge fee,” wika ni Guadiz.
“Ang formula nila, iyon ang kinukuwestiyon ko ngayon. Baka gawin na lang uniform rate o i-reduce ang surge fees by as much as 50 percent,” dagdag pa niya.
Umaasa ang LTFRB head na makatutulong ang pagpasok ng dagdag na 5,000 TNVS units sa Metro Manila para matugunan ang demand at mapababa ang price surge.
“Hopefully with this, totally mare-reduce if not totally matatanggal iyong surge charges on certain hours of the day. Usually, ang surge fees in the morning, pag pasukan at saka sa hapon pag-uwian na, between 4 to 7 o’clock,” ani Guadiz.
May kapangyarihan ang LTFRB na kanselahin ang permit ng isang TNVS kung napatunayan na sobra ang kanilang singil sa commuter. Maaari ring pagmultahin ng Philippine Competition Commission (PCC) ang Grab sa paglabag sa mga kasunduan ng merger nito sa Uber noong 2018.
Mula 2018, napatawan na ang Grab ng multang aabot sa P86.7 milyon, kabilang ang P16.15 milyong multa sa paglabag sa pamantayan sa pamasahe at sa bilang ng kanselasyon ng mga driver.
Ginawa ni Guadiz ang pahayag kasunod ng panawagan ng isang network ng digital advocates sa ahensya na tutukan ang pagresolba sa mataas na surge fees na pinapataw ng Grab tuwing kapaskuhan.
“Every year, TNVS passengers have been complaining of fares doubling, tripling, and in some instances even higher than that, during the holiday rush, when the service is much more needed,” wika ni Digital Pinoys national campaigner Ronald Gustilo sa isang pahayag.
“This should stop now, and LTFRB should do its job to protect the commuters,” dugtong pa niya. Dinadagsa ng reklamo ang Facebook page ng Move It at Grab at panawagan sa LTFRB na aksyunan ang price surge at kanselasyon kung saan awtomatikong nababawas ang pamasahe sa GCash o Grab wallets.
“Sana naman may action na yung LTFRB sa price surge ng Move It. Di na kase fair sa aming mga commuters,” wika ng isang netizen.
“Kahit naman anong reklamo ng mga commuter diyan sa Grab at Move It walang aksyon nangyayari dahil malakas kapit ng mga yan sa LTFRB,” dagdag ng isa pa.
“Parang modus na rin nila ang pag-cancel, lalo pag alam nilang GCash ang mode of payment,” reklamo naman ng isang commuter, na nagsabing hindi pa siya nakakatanggap ng refund mula sa Grab.
Bukod pa rito, nagpahayag naman ng pangamba ang commuters sa maraming aksidenteng kinasasangkutan ng Move It riders sa iba’t ibang parte ng bansa.
Sa Cebu City, isang pasahero ng Move It ang nasawi nang tumama ang motorsiklong sinasakyan nito sa center island. “Karamihan sa Move It rider kulang sa seminar, kulang sa disiplina sa kalsada. Parang binili lang yung lisensya e,” sabi ng isang netizen.
“Ayan yung epekto ng 45mins activate na tapos yung seminar online pa. Dinagdagan pa ng kakahabol sa incentives,” komento ng isa pa.
106