Matapos pagharian US Open Pool ABU DHABI 9-BALL TINUMBOK NI BIADO

MAINIT pa rin ang mga kamay ni Pilipino cue ­artist Carlo Biado na matapos maghari sa US Open Pool ay nakopo rin ang Abu Dhabi Open 9-Ball, Biyernes sa Power Break Billiard Hall sa United Arab Emirates.

Diniskaril ng 2021 US Open Pool champ ang kababayang si Jordan Banares, 13-6, sa Abu Dhabi final at ibinulsa ang AED20,000 (P272,000) cash prize.

Nakatanggap naman si Banares ng AED10,000 (P136,000) bilang runner-up sa 64-man tourney na ­organisa ni Abu Dhabi-based Pinoy Jayson Nuguid.

“I’m very happy to win again, especially in an inter­national tournament like this Abu Dhabi Open 9-Ball ­Championship. Maagang Pasko ito,” sabi ng tubong La Union na si Biado.

Unang tinalo niya sina Arnel Bautista, 9-7, at UAE’s Mohamad Eiljeffrey, 9-0 sa group stages bago dinispatsa si Venancio Tanio sa round of 16 sa iskor na 11-4.

Binigo rin ni Biado ang nakaharap sa quarterfinals na si Roland Garcia, 11-5, at saka isinunod ang nakatapat sa semifinals na si Harry Vergara, 11-8, bago nangibabaw kay Banares sa finals.

Pinatunayan ng mga Pinoy cue artists ang husay nila sa nasabing sport nang umabante ang 12 sa round of 16, at pito sa quarterfinals ­tungo sa all-Pinoy semis at finals.

139

Related posts

Leave a Comment