NAGBABALA ang state weather bureau na kahit wala na sa Pilipinas ang Severe Tropical Storm ng Crising (International Name Wipha) ay posibleng makararanas pa rin ng malalakas na pag-ulan hanggang Lunes o Martes na magdudulot pa rin ng pagbaha at posibleng landslides.
Ayon sa datos ng Office of Civil Defense, mahigit 120 pamilya o nasa 370,289 indibidwal ang naapektuhan ni Crising at 6,720 pamilya o 22,623 katao ang nananatili pa rin sa 349 evacuation centers, habang 5,287 pamilya o 20,759 katao ang nanunuluyan sa labas ng evacuation centers.
Sa datos naman ng Department of Social Welfare and Development, nasa 523,000 katao ang tinatayang naapektuhan ng bagyo.
Ayon kay OCD Deputy Spokesperson Diego Mariano, patuloy na nakaalerto ang kanilang ahensiya at tuloy-tuloy na binabantayan ang mga mangyayari habang mino-monitor ang epekto ng bagyo.
“Unfortunately, meron po tayo reported na tatlong namatay na for validation pa. Ito’y sa Camiguin, Lanao del Norte at sa Davao Oriental,” ani Mariano.
Bukod sa reported deaths sanhi ng bagyo na pawang under validation pa, ay may tatlo naman ang nasugatan mula sa SOCCSKSARGEN dahil sa epekto ng sanib-lakas ng Severe Tropical Storm Crising at Southwest Monsoon (Habagat).
Sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na ang dalawang nasawi ay mula sa Northern Mindanao, habang ang isa naman ay mula sa Davao Region.
Hindi kasama sa report ng NDRRMC ang magkapatid na iniulat na nabagsakan ng puno ng acacia habang sakay ng kanilang motorsiklo.
Iniulat din ng NDRRMC na may tatlo katao ang nawawala, ang lahat ng ito ay mula sa Western Visayas. “The reported casualties are for validation,” ayon sa NDRRMC.
Si Crising ay lumabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR), noong Sabado.
Samantala, sa 4 a.m. weather forecast, araw ng Linggo, sinabi ng PAGASA na magpapatuloy ang Southwest Monsoon na magdadala ng pag-ulan sa ilang lugar sa bansa partikular sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan ng Zambales, Tarlac, Pampanga, Bataan, Bulacan, Cavite, Rizal, Batangas (Balayan, Tuy, Nasugbu, Lian, Calatagan), at Laguna (Calamba, Biñan, San Pedro, Santa Rosa, Cabuyao).
(JESSE RUIZ)
