MAUUBOS ANG BILYONG AYUDA PERO MANANATILI KAHIRAPAN

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

KAPAG bago ang kalendaryo, hindi lang bagong taon ang nakatitik dito. Kasabay ng anunsyo ng palit-kalendaryo ang pagdagdag ng edad.

Normal ito sa takbo ng panahon.

Pero, kung bitbit ng bagong taon ang pagtaas ng gastusin sanhi ng dagdag na singil sa mga produkto aba, mapapa-hesusmaryosep na tayo.

Eto na. Sa ikalawang sunod na linggo ng 2025, tataas muli ang presyo ng produktong petrolyo.

Ang dahilan: pagbawas sa supply ng OPEC at Russia sa panahong inaasahang tataas ang demand ng produktong petrolyo.

Bukas, Enero 14, ipatutupad ang taas-presyo, at malamang na magkaroon pa ng umento sa susunod na linggo.

Ano ba ‘tong pasok ng Taon ng Ahas? Tinutuklaw ang lugmok nang kondisyon ng mga tao.

Resilient daw kasi mga Pinoy kaya yakang-yaka ‘yan. Manhid na ang mga tao sa pakikibaka sa mga daluyong na karamihan ay bigwas ng mga may alam (daw) sa pamamalakad ng mga tungkulin para sa kapakanan ng publiko.

Mga motorista, hinay-hinay ng arangkada at baka mabilis maubos ang ikinarga, ha!

Kung bad news ang taas-presyo sa produktong petrolyo, baka maganda ang balitang itatakda sa P58 kada kilo ang maximum suggested retail price (MSRP) sa imported na bigas.

Ayon kay Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, sisimulan ito sa Enero 20 sa Metro Manila.

Natukoy raw ang presyo matapos ang malawak na konsultasyon sa mga importer, retailer, rice industry stakeholder, mga ahensya ng pamahalaan, at law enforcement bodies.

Mababalanse kaya ng hakbang na ito ang tatag ng negosyo at kapakanan ng mga konsyumer at magsasaka?

Ibang pakulo, taktika at pagbabaka-sakali? Lagi nang isyu ang presyo ng bigas, na binuklat ng pangakong P20 kada kilo. Marami nang isinalang na plano na hindi mainin. Puro hilaw kaya eto, testing muli.

Ipatutupad ang MSRP sa imported na bigas upang tugunan ang umano’y pagbebenta ng bigas nang higit sa tunay nitong halaga.

Ngunit, mawala kaya ang nakagawian nang hindi patas na tubo, kung meron man?

Sige. Ipakita nga ng administrasyong Marcos na prayoridad nito ang kapakanan ng publiko kesa kita ng malalaking negosyante.

Sa gawa, hindi sa dada.

Aba, lugmok na mga tao ng bansang ayuda.

Mauubos ang bilyong inilaan sa iba’t ibang uri ng ayuda pero mananatili ang kahirapan.

Komento nga ng isang netizen, wala talaga sa bokabularyo ng mga politiko na iahon sa kahirapan ang Pinoy. Mas gusto nilang laging nakatanghod ang mga ito para manatiling may utang na loob.

Gamit na gamit ‘yan tuwing eleksyon.

14

Related posts

Leave a Comment