MAY ANAY SA BI-AURA

BISTADOR Ni RUDY SIM

WALA na nga ang dating raket ng sindikato na baklas passport dahil sa makabagong gamit ngayon ng airport laban sa mga dayuhang banta sa ating seguridad na nagnanais pumasok at lumabas ng bansa sa pakiki­pagtulungan sa Interpol ngunit tila naisahan ang Bureau of Immigration (BI) ng isa sa kanilang kabaro na nakatalaga sa satellite office ng ahensya sa SM Aura.

Kung ang matitinong kawani ng BI na hindi kasama sa sindikato ay nagtitiis sa kakarampot na sahod na kulang pa para sa kanilang pamilya, ay isang babaeng kawani naman umano ng ahensya na si alias “Arci” ang kumikita ng milyones sa pakikipagtulungan sa isang international big time syndicate mula pa Indonesia at Malaysia sa pagpapapasok ng mga Chinese at Korean national na blacklisted at fugitive na nais magtago sa ating bansa.

Ayon sa ating nakalap na impormasyon, marami na umanong parokyano itong si Arci dahil subok na malinis at walang sabit na nakapapasok ang dayuhan sa bansa gamit ang tunay na larawan sa ­passport ng dayuhan ngunit iba ang pangalan na ginawa sa dalawang bansa kung saan ay kumikita umano ito ng isang ­milyong piso bawat isang ­dayuhan na mailulusot nito sa airport. Sino kaya ang Boss ni Arci na kanyang ­pinagsisilbihan?

Kaugnay nito, patuloy pa rin umano ang tinatawag na “Palubog at Palitaw”, ito naman ang malinis na raket ng ilang ­tiwaling opisyales at tauhan ng BI main office sa mga dayuhang nasa listahan ng mga blacklisted na hindi na kailangan pang dumaan sa legal division upang sila’y ­humiling na matanggal ang kanilang pangalan sa blacklist.

Sa pamamagitan lamang ng isang pindot sa computer ng database ay parang “magic” na mawawala ang pangalan ng isang dayuhan sa blacklist sa computer ng Immigration officers sa airport at matapos na makapasok sa bansa ay agad din na ibabalik sa database. Walang sabit, ika nga at easy money agad. Kagaya na lamang ng isang Indian national na si Amarjot Singh na aming hinuli sa Tacloban City noong 2016, matapos itong ma-deport ay agad din nakapasok sa bansa kahit walang lifting ng kanyang blacklist.

Samantala, patuloy pa rin umano ang raket ng isang grupo ng Immigration officers sa pag-recruit sa kanilang mga kasamahan sa sindikato na nagmamaniobra sa NAIA sa pamamasahero ng mga Vietnamese at Chinese national kapalit ang P10K-P15k kada pasahero. May basbas din kaya ng mga opisyales ng POD, TCEU at BCIU ­maging ng “Terminal Heads” ng ­Terminal 1-3 na tila mas abala pa sa human smuggling nina Betty Chuwawa at Ana Sisi kung kaya’t ­nagpapatuloy pa rin ito? Bakit kaya napakalakas ng loob ng mga opisyales ng BI sa ­airport, sino kaya ang ­nagbigay ng basbas at ­kumikita?

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang ­SAKSI Ngayon – Patnugot)

209

Related posts

Leave a Comment