IKINALUGOD ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines, Inc. (AGAP) Partylist ang pagkakahuli at pagsasampa ng reklamo sa apat na indibidwal nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Agriculture (DA) ang isang bodega ng bigas sa Bocaue, Bulacan noong Lunes, Pebrero 10.
Iginiit ni AGAP Partylist Rep. Nicanor “Nick” Briones na dapat masampulan din ang mga may-ari ng bigas at warehouse sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 12022 o mas kilala bilang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na may parusang lifetime imprisonment at non bailable.
Aniya, hindi sapat na ang warehouse manager, dalawang kahera, at isang inventory officer ng bodega lamang ang masasampahan ng kasong hoarding, adulteration, profiteering, untruthful labeling, at economic sabotage.
Nitong Huwebes, sumalang na sa inquest proceedings sa DoJ ang 4 kataong naaresto ng NBI, at bukod sa kanila kabilang din sa sinampahan ng reklamo ang Pinoy na may-ari ng bodega pero nananatili itong at large.
Diumano, ang rehistradong nagmamay-ari ng bodega ay ang Rice Milling at Rice Retailing sa Golden City, Taal, Bocaue, Bulacan na si Elizabeth Pineda base sa nakuha ng NBI at DA sa sanitary permit at certification of annual inspection na inisyu ng munisipalidad ng Bocaue.
Natutuwa si Briones kung ang mga sumalakay sa naturang bodega ay parte na ng enforcement group, na nag-iimbestiga, at nag-iinspeksyon sa mga bodega na posibleng sangkot sa mga nananamantala sa mga consumer dahil patuloy pa rin mataas ang presyo ng bigas, na dapat bumaba na ng P14 per kilo dahil sa pagbaba ng 20% ng taripa at pagbababa ng world market price buhat $600-$400 per metric ton.
“Tama lamang na inspeksiyunin ang lahat ng mga bodega na posibleng nagho-hoard at nagtatago ng bigas kaya hindi bumababa ang presyo nito,” wika ni Briones.
Sinasabing ang nadiskubreng tone-toneladang bigas ay mga pinaghalo-halong luma at ibang klase ng bigas para maibenta sa merkado ng mas mataas na presyo.
Kasabay nito, nanawagan si Briones sa pamahalaan na magpatupad muna ng maximum suggested retail price (MSRP) sa mga imported na karne ng baboy bago sa lokal na baboy at iyon ang maghahatak pababa sa presyo ng lokal na karne ng baboy.
Paliwanag ng solon, sa ganitong paraan makababawi ang local hog raisers na mga nalugi dahil na rin sa tumamang African Swine Fever (ASF) sa kanilang mga alagang baboy.
Samantala, kabilang sa mga nakikitang dahilan ni Briones kung bakit tumataas ang halaga ng karneng baboy dahil sa ASF na tumama noong mga nakaraang taon, pagkakaroon ng maraming fiesta at dahil election period kung saan maraming aktibidad at umiikot na pera na nagpapataas ng demand nito.
Patuloy ang panawagan ng #117 AGAP Partylist na tuluyang maipatupad ng council ang batas na nasa ilalim ng Office of the President at kung may enforcement group, maipatupad kaagad ang anti-economic sabotage act at mahuli ang mga nananamantala at makasuhan ang mga smugglers, hoarders at profiters.
Hinikayat ni Rep. Briones ang mamamayan na muling pagkatiwalaan at tangkilikin ang #117 AGAP Partylist na tunay na may malasakit sa sektor ng agrikultura at may adbokasiya na ipaglaban ang kapakanan at hanapbuhay ng mga magsasaka. Kailangan natin ng maunlad na magsasaka para sa mura, de kalidad at sapat na pagkain ng pamilyang Pilipino.
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)