MAY GOBYERNO NA SA MAYNILA, MANANAGOT KAYO! – YORME ISKO

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

ANAK ng tipaklong, ano’ng napala n’yo mga tolongges na nanggulo sa inaasahan na peaceful protest rally noong Linggo, Set. 21, 2025 sa Maynila – magdusa kayo sa piitan.

Ok ang magpahayag ng damdamin, ng hinaing at pagtutol sa laganap na korupsyon, pero ang manira ng ari-arian ng gobyerno at ng mga establisimyento, ‘yun ang mali, at tama si Manila Mayor Isko Moreno, sila ay dapat na panagutin, kasi vandalism na ang ginawa ng 216 indibidwal na tangan ng Manila Police District (MPD).

Sa bilang na ito, 127 ang matatanda na, 89 menor de edad, na may ginawang paglabag sa mga batas, at ang iba pa, 24 minors, out of 89, 67 ay pawang may mga nakabimbing kaso na sa hukuman.

Pananagutin sila sa batas, sabi ni Yorme Isko at may mga impormasyon, na ang nanggulo ay binayaran at may mga instigador para maghasik ng lagim!

Imagine, nanunog pa at yung street traffic lights sinira at sinadyang saktan – batuhin, murahin at insultuhin ang mga pulis na nagbantay para sa seguridad.

May nagbayad at nagpabayad, ito ang malinaw na nakikita ng awtoridad at ito rin ang impormasyon na nakuha mismo ni Yorme sa mga hinuli – na nagtapat na sila ay binayaran para manggulo!

Ito ang napansin ng alkalde: ‘yung nag-rally noong umaga, hapon at tanghali, maaayos sila, talagang legitimate protester at talagang may hinaing na isinigaw upang marinig ng pamahalaan.

“May mga idineploy tayo sa unang grupong ito ng raliyista na mga doctor, narses para magbigay ng first aid at tulong sa mga nahilo o nahimatay o nagkaroon ng minor physical injuries, kasi nga sa dami ng mga nagprotesta at mainit na panahon noong Linggo na iyon, may magkakasakit.”

“Pero nang gumabi na, hindi na raliyista ang mga iyon, rioters, mga mobster, at sadyang ang intensyon ay guluhin ang protesta at mabalewala ang legitimate grievances at panawagan laban sa korapsiyon,” pahayag ng alkalde.

Ilang araw bago ang Sept. 21 rally, kumalat na sa social media na may manggugulo, at nag-warning na ang mga tropa ng mga retired military at police officers na ‘wag samahan ang na-monitor nilang manggugulo.

Malinaw, batay sa pangyayari, may nag-udyok, may nagpasimuno ng kaguluhan: mayroong instigators.

Mantakin na magsunog ng mga motorsiklo at may nanira ng mga tindahan — malinaw ayon sa nakita ng madla at ng mga nakalap na videos, photos at ayon mismo sa mga kinasuhan, may nagbayad at ang mga nakapiit ngayon ay nagpabayad!

May grupo na gusto nang lusubin ang Malacan̈ang, ‘yung rioters, ginawang staging nila ang Mendiola, e mahigpit yung naguguwardiyahan, hindi sila uubra sa Presidential Security Group (PSG) at mismong si Interior Secretary Jonvic Remulla, talagang binantayan ang sitwasyon na hindi mauwi sa anarchy.

Nang makaalis ang legitimate rallyists, bigla ay mga kabataan, sabi ay nanggaling sa Cavite, Taguig, Pasay, Paran̈aque, Quezon City at Caloocan, na nagsimula nang manggulo, naninira ng mga private at government property, at nagsunog.

May mga info na may mga nagnakaw pa!

May sinabi ang MPD na isang rapper at isang abogado — na hindi muna pinangalanan at nag-udyok na manggulo, pero sabi ni Yorme Isko, hahayaan niya ang pulisya sa kanilang imbestigasyon.

Nilinaw ni Yorme Isko, batay sa nakuhang intel report, totoo ngang may nagpondo sa mga monster at rioter, at tiniyak niya, “Sila ay mananagot, hindi natin palalampasin ang kalokohang ito!”

Binaboy nila ang Maynila, sinira nila ang peaceful rally at naghasik sila ng kaguluhan, kaya dapat lamang na sila ay managot, at maparusahan.

Wala pang estimate na halaga ng mga nasira, ‘yung sinunog na sasakyan, motorsiklo, stoplights, CCTV, mga barikada na permanent enclosed rails para sa traffic, at iba pa, sabi ni Yorme.

May nakita sa video na lalaking nakahubad na may tama raw ng baril, at patay na raw iyon, at may mga chat group, ang tsismis, 30 ang patay.

“Hinahanap pa namin ‘yung patay, hindi namin makita. Wala naman sa mga ospital. Imposible namang may 30 na namatay, wala naman sa mga punerarya, wala namang reported,” sabi ng alkalde, at ito ay malinaw na disinformation para maghatid ng takot at gulo sa isip ng taumbayan.

Sa mga Manilen̈o at sa mga magulang, nananawagan si Yorme Isko ng kahinahunan.

Lalo na ‘yung mga magulang na mula sa Visayas, Mindanao, Northern Luzon, Southern Luzon, sinabi ni Yorme na dapat silang pumanatag, kasi tiniyak niya ang kaligtasan sa mga anak na nakadormitoryo rito sa U-Belt.

Kumikilos ang buong gobyerno ng Maynila, kasama ang pulisya at iba pang nagmamalasakit na grupo na magiging maayos ang lahat.

Sa mga instigators, mga bayaran, mga rioter at mobster, mananagot sila sa batas.

Tinanggap sila nang maayos sa Maynila, tapos, manggugulo, hindi pwede ‘yan, pinerwisyo nila ang pribado at nananahimik na komunidad, pananagutan nila ang kasamaang ginawa nila.

“Uulit-ulitin ko, may gobyerno na sa Maynila, mananagot kayo!” sabi ni Yorme Isko.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

8

Related posts

Leave a Comment