IPINAG-UTOS ni Philippine National Police chief, General Dionardo Carlos sa Manila Police District na laliman pa ang imbestigasyon sa nangyaring paghahagis ng granada sa Manila Arena sa Sta. Ana ng nasabing lungsod.
Nabatid na inaalam din kung may kinalaman ang nasabing insidente sa nawawalang mga sabungero na inuugnay naman sa online sabong at game fixing.
Mismong si PNP Chief Gen. Carlos ang naglabas ng direktiba na imbestigahan ang insidente para mapanagot ang mga suspek.
Sinabi ni Carlos, posibleng may kaugnayan ang insidente sa mga naiulat na nawawalang mga sabungero ang paghahagis ng riding in tandem suspects ng granada sa entrance gate ng nasabing cock fighting arena.
“Something is suspicious about a series of untoward incidents happening in cockfighting arenas. Aside from the grenade, our police are also looking into the disappearance of several individuals who were last seen in arenas,” pahayag ni PNP Chief Gen. Carlos.
Nabatid na 20 sabungero na iniulat na nawawala ang iniimbestigahan ng PNP-CIDG at pinangangambahang ang ilan dito ay pinatay na.
Isang senior military officer mula sa camp Crame ang nagsabing may mga dinukot na sabungero ang inilutang matapos nilang malaman na may isang police general ang naghahanap dahil kamag-anak umano nito ang mga nawawala.
Kamakailan, isang retired Army na kinilalang si Ernesto Bacay ang humingi ng tulong sa pulisya para hanapin ang kanyang dalawang anak na kinilalang sina James at Marlon Bacay na nawawala matapos magtungo sa Manila Arena sa Sta. Ana, Manila subalit hindi na nakauwi matapos na pwersahan umanong tangayin ng armadong kalalakihan. (JESSE KABEL)
307 