(BERNARD TAGUINOD)
MADADAGDAGAN ang kasong isasampa laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kapag namili ito ng boto sa susunod na eleksyon para matiyak ang kanyang panalo at ng babasbasan nitong presidential candidate.
Ito ang babala ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate matapos ipagyabang ni Duterte sa national assembly ng PDP-Laban noong Sabado na mangangampanya ito ng siyudad sa siyudad, probinsya sa probinsya at magdadala ng sako-sakong pera.
Base sa Election Code 181.2, sinoman ang mapatunayang bumili ng boto o kaya nagbebenta ng boto ay maparurusahan ng hanggang 5 taong pagkakabilanggo.
Si Duterte ay sasampahan ng mga kaso pagkatapos ng kanyang termino sa 2022 dahil sa mga patayan bukod sa isusulong umano ang crime against humanity nito sa International Criminal Court (ICC).
Subalit ang ikinadidismaya ng mambabatas, laging sinasabi ni Duterte na walang pera ang gobyerno kapag humihingi ng ayuda ang mamamayan na apektado sa pandemya sa COVID-19 pero meron umano itong pambili ng boto.
“Akala ko ba walang pera? Wala lang palang pera kapag para sa ayuda ng mga naghihirap at nagugutom nating mga kababayan, pero kapag para sa pampulitika, pang-eleksyon at vote buying pala ay nagsubi na ng maraming pera,” ani Zarate.
Wholesale plunder
“The question is where will these funds come from that will buy him an escape route for the truckload of cases that he will face later on? Of course offhand, the president has control in the huge chunks of funds under his department,” ayon sa mambabatas.
Tinataya ng mambabatas na may P1.9 Trillion na pondo si Duterte mula sa pera ng taumbayan, ang posibleng gamitin nito sa pagbili ng boto upang matiyak na manalo ito bilang bise presidente at maging ang kanyang babasbasang presidential candidate.
Kabilang na sa tinukoy ng mambabatas na posibleng panggalingan ng pera ni Duterte ang barangay development fund (BDF) na umaabot sa P16.4 billion; P4.5 billion na presidential confidential and intelligence funds; at P20 Billion na hindi nagamit na pondo sa Bayanihan 1 at 2.
Mayron din aniyang P27 billion (2021); P10B (2020), P8B (2019) na support for infrastructure and social program na nakalagay bilang unprogrammed funds si Duterte; Special Purpose Fund for 2021 na umaabot sa P617 billion; P178 billion unprogrammed appropriation for 2021; P13 billion na contingency fund at P20 billion na NDRRM funds.
“Also based on Department of Budget and Management data, the Bayanihan 1 and 2 fund releases and disbursements results to a remaining amount of P217.2B as of April 15, 2021,” ani Zarate. Hindi pa aniya kasama rito ang bilyon-bilyon na unobligated funds ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Internal Revenue (BIR) at iba pang ahensya ng gobyerno na inulat ng COA.
Ito marahil aniya ang dahilan kaya inilabas ang National Budget Circular 586 para kolektahin ang pondong hindi nagamit ng mga ahensya ng gobyerno noong 2020 subalit hindi umano ito gagamitin sa implementasyon ng mga programa partikular na sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
“Pres. Duterte’s boastful remark shows that his clique is creating an enormous war chest in the run up for the 2022 elections using public funds and resources. This wanton, shameless and wholesale plunder of taxpayers’ money ay dapat wakasan na, especially in this time of the Covid pandemic aggravated crisis,” ani Zarate.
Pinuri ang sarili
Samantala, mistulang nagbuhat umano ng sariling bangko si Pangulong Duterte sa kanyang anti-corruption campaign matapos iskoran ang sarili ng “8 out of 10” sa nasabing kampanya.
“We respect the administration’s self-assessment of its anti-corruption drive, but we believes that self-assessments are only a small part of a bigger picture,” ani Deputy Speaker Eddie Villanueva.
Ayon sa mambabatas, hindi pa natatanaw ang tagumpay ng Duterte administration sa kanyang kampanya laban sa katiwalian kaya kuwestiyonable ang ibinigay na iskor sa kanilang sarili lalo na’t hindi sinusuportahan ng mga ito na maipasa ang Freedom of Information (FOI) bill.
“Multiple factors must be taken into consideration. Has our score in Transparency International’s Corruption Perceptions Index (CPI) improved since 2016? No. Has the Freedom of Information (FOI) Bill been passed? No. Self-assessments are good but misleading if isolated from other real-world facts,” ani Villanueva.
Sa katunayan aniya, mula 2016 to 2020, nasa pagitan ng 34 at 35 points ang iskor ng Pilipinas sa PCI ranking ng mga bansa na may malalang katiwalian sa mundo.
Base sa PCI ranking, kapag O ang score ay malala ang katiwalian at malinis naman ang isang bansa kapag nakakuha ito ng 100 points.
“Out of 179 countries and territories ranked in 2020, the Philippines is at the low 110s, along with sub-Saharan countries such as Eswatini, Sierra Leone, and Niger,” ayon pa sa mambabatas.
Indikasyon aniya ito na hindi nagtatagumpay ang gobyernong Duterte sa kanyang pangako noong 2016 na lalansagin ang katiwalian sa gobyerno.
Dahil dito, kailangan aniyang pagtibayin na ang FOI bill dahil dito makikita kung talagang malinis na sa katiwalian ang gobyerno mula nang maging pangulo si Duterte.
