MAY PERA BA SA THIRD PARTY PROVIDER?

KAALAMAN Ni MIKE ROSARIO

TALAKAYIN naman natin ngayon ang may kaugnayan sa third party provider.

Maraming natutuwa lalo na kung ang pag-uusapan ay mga online platform, kasi naman kahit nasa bahay ka lang, darating na ika nga sa harapan ng iyong pintuan ang lahat ng iyong kailangan.

Nakabawas ka na rin sa pagpila kung ang pag-uusapan ay ang mga ahensya ng gobyerno na talaga namang isusumpa mo ang pagpila lalo na kung nakikita mong ang mga empleyado na pinasasahod ng ­taumbayan na bukod sa halos ayaw magtrabaho, ay masusungit pa.

Maraming nagtatanong kung bakit laging private-public partnership ang mga app o mga system na ginagamit ng mga ahensya ng ­gobyerno.

Alam naman natin na ang magagaling na graduate ay ­galing sa a­ting mga sariling unibersidad tulad na lamang ng graduates na scholar ng bayan.

Bakit hindi na lang gobyerno ang bumuo ng team para rito? Nandiyan naman ang mga ahensya para sa teknolohiya na binuo. Tanong lang naman sa isip ng marami, “Bakit laging kailangan pa my third party provider?”

May mga kumikita ba sa bawat partnership, may mga kumikita ba sa mga taong-gobyerno? Tulad na lang halimbawa ng mga provider sa police clearance. May kumikita ba rito? Sa mga provider sa LTO? sa PSA?

May mga binibigyan ba rito at iba pang online system na ginagamit ng bawat ahensya? Kung ako ang tatanungin, malinaw na malinaw na “Oo” ang sagot ko.

Dahil sa pagpapalit ng administrasyon ay papalitan din ang kanilang provider.

Sabi nga, pana-panahon lang ‘yan at resulta ng hindi pagiging established ng lahat sa tuwing magpapalit ng panibagong takbo at obserbasyon.

Pag-usapan din natin ang No-Contact Apprehension Program (NCAP) na ipinatupad ng ilang Local Government Units sa Metro Manila.

Ito ang naging dahilan ng pagkalugi ng ilang maliliit na operator ng taxi sa Metro Manila.

Bakit sila nalugi? Dahil sa mga huli sa traffic violations sa pamamagitan ng ipinatutupad na NCAP.

Nabigla sila sa malaking babayaran ng kanilang mga unit nang mag-renew na sila ng kanilang rehistro ng mga sasakyan sa Land Transportation Office (LTO).

Kaya ayun, napilitan na lang ang ilang operator ng taxi na ibenta ang kanilang mga unit para makaiwas sa malaking bayarin.

Naiipon kasi ng bawat unit ang kanilang bayarin sa LTO at nalalaman lamang ito pagdating ng renewal ng kanilang rehistro taon-taon.

Ang kinikita ng isang taxi sa loob ng dalawang buwan ay napupunta lang sa pagbabayad sa isang buwan na paglabag sa traffic violations sa ipinatutupad na NCAP.

oOo

Tumatangap po tayo ng reaksyon at suhestiyon, tumawag lamang o mag-text sa cell#09391683316.

161

Related posts

Leave a Comment