OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
ISANG overseas Filipino worker (OFW) na si JR, isang skilled worker sa Riyadh, Saudi Arabia, ang kasalukuyang humaharap sa matinding kalbaryo matapos umanong tanggihan ng kanyang kumpanya ang kanyang kahilingan na makauwi sa Pilipinas, sa kabila ng kanyang lumalalang kondisyon sa kalusugan.
Ayon sa pahayag ng kanyang kaanak, noong Hunyo 2024 ay nagsimulang makaranas si JR ng pananakit ng balakang at pwetan, kalakip pa ng pagdumi na may kasamang dugo. Sa una ay inakala niyang ito ay normal lamang, ngunit kalaunan ay hindi na niya kinaya ang patuloy na pananakit kaya’t nagpasya siyang kumonsulta sa isang maliit na ospital na akreditado ng kanilang kumpanya.
Lumabas sa unang medical result na siya ay may hemorrhoid. Gayunman, hindi ito pinaniwalaan ng kumpanya kaya ipinadala siya sa isa pang mas malaking ospital na accredited din ng kumpanya noong Nobyembre 2025. Lumabas sa pangalawang medical report ang halos kapareho ng unang resulta, ngunit nadagdag pa rito ang high blood pressure, dahilan upang ideklarang “Not Fit to Work” si JR ng doktor.
Dahil dito, nagpasya si JR na maghain ng Refuse to Work, subalit tumanggi ang kumpanya at sinabi na bibigyan lamang siya ng exit-reentry visa kung makapagpapasa siya ng medical certificate mula sa Pilipinas—isang malinaw na imposibleng kundisyon dahil nananatili pa siya sa Saudi Arabia.
Ang deployment ni JR ay sa ilalim ng YHMD International Manpower Services, habang ang foreign recruitment agency naman ay ang OMACO Company MVPI.
Nananawagan ngayon ang OFW JUAN, isang samahan para sa kapakanan ng overseas Filipino workers, sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na agad aksyunan ang kaso upang masagip si JR sa kanyang kumpanya at maibalik siya sa Pilipinas para sa nararapat na gamutan.
Patuloy ang panawagan ng OFW JUAN sa pamahalaan na paigtingin ang proteksyon sa mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat, at papanagutin ang mga mapang-abusong employer at ahensya na lumalabag sa karapatan ng ating mga kababayan.
Para sa karagdagang ulat at tulong, bukas ang OFW JUAN para sa lahat ng OFW na nangangailangan ng agarang saklolo at suporta.
71
