MARAMING nagtatanong bakit limitado lang daw kay Brgy. 171 Bagumbong Chairman Romeo Rivera ang kaso at hindi raw isinama si Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan?
Hindi lang naman kapabayaan ni Chairman Rivera, kundi kapabayaan rin daw ni Mayor Malapitan ang nangyari bilang ama ng siyudad.
Kung sa Brgy. 171 o sa Bagumbong, ang ama ay si Chairman Rivera, ama rin naman si Mayor Malapitan ng siyudad ng Caloocan.
Kaya dapat daw ay magkasama sila sa kinasuhan ng kasong administratibo. May punto ang sinasabi ng ating mga taga subaybay.
Ano yan sacrificial lamb daw si Chairman Rivera? Tanong pa ng mga tagasubaybay ng PUNA.
Ang binabanggit po nating kaso ay nag-ugat nung nakaraang Mayo 9, 2021, Mother’s Day na kung saan ay dinagsa ng maraming tao ang Gubat sa Ciudad ang resort na matatagpuan sa Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan City.
Sa kabila ng ipinatutupad na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa National Capital Region (NCR) na kung saan ay bawal pa ang outing sa mga resort ay nagawa pang tumanggap ng mga kustomer ang management ng Gubat sa Ciudad.
Kaya ayon dinagsa ng daan-daang tao ang resort na ito na hindi na nasunod ang minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at physical distancing.
Ang pangyayaring ito ay maaaring pagmulan ng maraming hawaan ng COVID-19.
Kaya ngayon nahihirapan ang pamahalaan sa kanilang isinasagawang contact tracing sa mga nagtungo sa resort na ito.
Dapat ang pagawin daw ng contact tracing ay sina Chairman Rivera at Mayor Malapitan.
Isa daw yan sa mga dapat parusa sa kanilang dalawa.
Si Chairman Rivera ay pinasususpinde ng Caloocan City Health Department sa konseho ng Siyudad dahil sa kapabayaan niya.
Sa motion na inihain ni City Health Evelyn Cuevas at Business Permit and Licensing Office Chief Atty. Emmanuel Vergara, nakasaad na nagpabaya si Rivera sa kanyang tungkulin dahil marami ang nag-swimming sa nasabing resort.
Mother’s Day pa man din ang araw na yun, kaya dinagsa ng maraming tao ang Gubat sa Ciudad resort.
Kamakailan nagpahayag si DILG Secretary Eduardo Año na papanagutin ang mga lokal na opisyal na hindi tatalima sa ipinatutupad na minimum health protocols ng gobyerno lalo na pagdating sa mga maraming pagtitipon-tipon ng mga tao.
Lalo na ngayon na nakapasok na sa bansa ang double mutant variant na nagmula sa India.
Ang variant na ito ng COVID-19 ang nakakahawa ng mahigit sa 300k katao kada araw at ikinamamatay ng libu-libong nilang mga residente.
Sa kabila ng bantang panganib ng double mutant variant mula sa India ay binabalewala pa rin ito ng ilang opisyal ng gobyerno tulad ng nangyari sa Gubat sa Ciudad.
Kaya dapat daw hindi lang si Chairman Rivera ang kasuhan kundi maging si Mayor Malapitan.
Malinaw daw na hindi lang si Kapitan Rivera ang nagpabaya kundi maging si Mayor Malapitan.
Nangyayari daw ngayon ay idinidiin pa ni Mayor Malapitan si Chairman Rivera base sa mga pahayag nito sa media.
Sa pinakahuling info na natanggap ng PUNA ay pinoproseso na ng pulisya ang kasong kanilang isasampa laban kay Chairman Rivera.
Hamon tuloy ng taga subaybay ng PUNA sa DILG kung talagang seryoso sila sa kanilang binitiwang salita na kakasuhan ang lahat ng lokal na opisyal na lumalabag sa minimum health protocols ay ‘wag nilang piliin ang kanilang kakasuhan.
Sinikap ng PUNA na makuha ang panig nina Chairman Rivera at Mayor Malapitan subalit hindi natin sila makontak.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.
151 